Speaker Romualdez tinukoy ang tagumpay ni Pangulong Marcos

Ni NOEL ABUEL

“The President did well on Year 1. Keep up the good work, Mr. President”.

Ito ang pahayag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na tinukoy ang accomplishments ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr. sa unang taon nito sa posisyon.

Hunyo 30 nakatakda ang unang taon ni Marcos bilang pangulo ng bansa.

Para kay Romualdez, ang pinakamagandang nagawa ng administrasyong Marcos ay sa mga larangan ng pagtulong sa mga ordinaryong Pilipino, pagpapanatili ng paglago ng ekonomiya, pagtataguyod ng bansa bilang destinasyon ng pamumuhunan, at sa relasyong panlabas.

Sinabi ni Romualdez na ginawa ng Pangulo na tugunan ang mga alalahanin sa araw-araw na buhay ng mga Pilipino tulad ng pagtaas ng pangunahing bilihin ng mamimili at kakulangan ng pabahay.

“Shortly after assuming office, he was confronted with spikes in the price of certain commodities like onions, which were selling for as much as P800 a kilo, and the basic staple rice,” sabi nito.

“Through a combination of measures, and with the help of Congress, the administration was able to bring down and stabilize the price of onions and rice,” dagdag pa ni Romualdez.

Binanggit nito na ang House Committee on Agriculture and Food sa pangunguna ni Quezon Rep. Mark Enverga na nagsagawa ng imbestigasyon at naglantad sa manipulasyon ng presyo, pag-iimbak at mga kartel sa likod ng pangangalakal ng sibuyas.

Sinabi ni Romualdez na nagpasya ang Pangulo na buhayin ang Kadiwa stores ng kanyang ama upang makabili ng ani ng mga magsasaka at magbenta ng mga produktong pang-agrikultura sa mababang presyo.

“He has a genuine concern, compassion and empathy for the poor,” aniya.

Ipinunto ng Speaker na sa larangan ng pabahay, ginamit ng Pangulo ang karanasan ng kanyang ama sa pamamagitan ng pagbuhay sa mga programang pabahay tulad ng BLISS (Bagong Lipunan Improvement of Sites and Services), na proyekto ng kanyang ina, dating minister ng human settlements at First Lady Imelda Romualdez Marcos.

Inilunsad din ng Punong Ehekutibo ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino at inutusan ang Department of Human Settlements and Urban Development na magtayo ng medium-rise at high-rise condominiums para sa mga mahihirap at tauhan ng gobyerno, kabilang ang mga sundalo at pulis.

Sinabi ni Romualdez na ang pagpapanatili ng paglago ng ekonomiya ng bansa ay isa pang kapansin-pansing tagumpay ni Pangulong Marcos.

“The economy grew by 7.6 percent and 7.2 percent in the third and fourth quarters of 2022, and 6.4 percent in the first quarter of this year. Those growth periods were the first nine months of the Marcos administration. I sincerely hope we could sustain it,” aniya pa.

Aniya, ang kahanga-hangang pag-unlad sa unang anim na buwang panunungkulan ng Pangulo ay resulta ng desisyon ng Punong Ehekutibo na muling buksan ang ekonomiya sa kabila ng matagal na banta ng Covid-19 pandemic.

Idinagdag nito na binigyan-pansin ng mga multilateral na institusyong pampinansyal ang pagpapalawak ng ekonomiya ng bansa, na nag-udyok sa World Bank na i-upgrade ang pagtataya nito sa 2023 mula 5.4-5.6 porsiyento hanggang anim na porsiyento.

Leave a comment