Baler Convention Center pinasinayaan

Ni NOEL ABUEL

Pinasinayaan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Department of Budget and Management (DBM) at ni Senador Sonny Angara ang inagurasyon ng Senator Edgardo J. Angara Convention Center sa Baler, Aurora at ang nakatakdang pagtatayo ng Baler National Museum at ng iba pang proyekto.

Kasabay ng pagdiriwang ng ika-21 taong Philippine-Spanish Friendship Day ngayong araw, ipinakita sa mga residente ng Baler, Aurora at sa mga lokal at dayuhang mga turista ang Senator Edgardo J. Angara Convention Center bilang parangal kay dating Senador Angara.

Nabatid na pangarap ng yumaong Senate President Edgardo Angara para sa Baler at sa buong lalawigan ng Aurora na umunlad ang lalawigan sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga infrastructure projects tulad ng naturang convention center.

Sinabi ni Angara na ang Senator Edgardo J. Angara Convention Center ay pinakamalaking infrastructure project sa Baler sa loob ng dalawang dekada at kauna-unahang proyekto na ipinangalan sa ama nito

“This is just the first of many,” sabi ni Angara kasabay ng pagsasabing isusunod na itatayong proyekto ay ang National Museum at isang world-class skate park.

Sa panig naman ni Pangandaman, na dating nagsilbing chief-of-staff ng dating senador, suportado ng DBM ang mga proyekto sa Baler, Aurora kung saan inihalimbawa pa nito ang tuluy-tuloy na paglalaan ng pondo para sa pagtatayo ng mga kalsada, tulay at iba pang infrastructure projects papasok at palabas ng Baler, Aurora.

Ayon pa kay Pangandaman, ang Baler Convention Center ay pinaglaanan ng pondong P300M habang ang National Museum ay nagkakahalaga ng P150M.

Nagsagawa na rin ng groundbreaking sa itatayong National Museum na dinaluhan din ng NHCP at nina Angara at Pangandaman na itatayo di kalayuan sa nasabing coliseum.

Kasama rin na naging saksi sa naturang seremonya sina Spanish Ambassador to the Philippines H.E. Miguel Utray; Andoni Aboitiz, chairman ng National Museum Board of Trustees; National Museum Director Jeremy Barnes; architect Ed Calma, na nagdisenyo ng National Museum sa Baler; at Aurora Rep. Rommel Rico Angara; at Baler Mayor Rhett Ronan Angara.

Leave a comment