Kulang na kulang ang wage hike — solon

Nina NOEL ABUEL at NERIO AGUAS

Nakukulangan ang isang senador sa kakarampot na inaprubahang arawang minimum na sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay Senador Grace Poe, kulang ang P40.00 na wage increase kung ikukumpara sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Hangad natin ang sahod na makapagbibigay ng isang buhay na may dignidad para sa bawat manggagawang Pilipino. Hindi sapat ang wage hike para maibigay sa kanila ito,” sabi ni Poe

“Napag-iwanan na ang suweldo ng patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin at petrolyo. Nananawagan tayo sa mga employers na may kakayahan na magbigay ng karagdagang allowance o benepisyo sa ibang paraan,” dagdag pa nito.

Magugunitang inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa National Capital Region ang Wage Order No. NCR-24 noong 26 Hunyo 2023 na nagtatakda ng pagtaas ng P40.00 sa arawang minimum na sahod sa rehiyon mula P570.00

Mula P570.00 ay magiging P610.00 na ang minimum wage para sa non-agriculture sector at mula P533.00 na magiging P573.00 para sa agriculture sector, service and retail establishments na hindi hihigit sa 15 manggagawa, at manufacturing establishments na may hindi hihigit sa 10 na regular na manggagawa.

Magiging epektibo ang wage order makalipas ang 15 araw mula sa paglalathala nito, o sa 16 Hulyo 2023.

Sinasabing isinaalang-alang sa pagbibigay ng dagdag-sahod ang iba’t ibang pamantayan sa pagtukoy sa sahod na itinakda sa ilalim ng Republic Act No. 6727 o ang Wage Rationalization Act.

Resulta ito ng ilang petisyon na inihain ng iba’t ibang grupo ng manggagawa na humihiling ng pagtaas sa minimum na arawang sahod dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ang board, na binubuo ng mga kinatawan mula sa sektor ng pamahalaan, sektor ng namumuhunan at manggagawa, ay nagsagawa ng pampublikong pagdinig noong 2 Hunyo 2023 sa Lungsod ng Pasay at wage deliberation noong 26 Hunyo 2023 sa Lungsod ng Maynila.

Ang bagong rate, na nangangahulugan ng pagtaas ng pitong porsiyento mula sa umiiral na arawang minimum na sahod sa rehiyon, ay mas mataas sa regional poverty threshold na P452 kada araw para sa isang pamilya na may limang miyembro.

Nangangahulugan din ito ng kaparehong pagtaas ng pitong porsiyento sa mga benepisyong may kinalaman sa sahod kabilang ang 13th-month pay, service incentive leave (SlL), at social security benefit tulad ng SSS, PhilHealth at Pag-lBlG.

Inaasahan na direktang makikinabang ang 1.1 milyong minimum wage earner sa NCR.

Maaari ring makinabang ang humigit-kumulang sa 1.5 milyong full-time wage at salary worker na kumikita ng higit sa minimum na sahod bilang resulta sa pagsasaayos sa antas ng negosyo mula sa sa pagwawasto ng wage distortion.

Inilabas ang huling Wage Order para sa mga manggagawa sa mga pribadong establisyimento sa rehiyon noong 13 Mayo 2022 at naging epektibo noong 04 Hunyo 2022.

Leave a comment