
Ni NERIO AGUAS
Naharang ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) at ng Ninoy Aquino International Airport Drug Interdiction Task Group (NAIADITG) ang isang babaeng Canadian national nang masabat ang illegal na droga sa gamit nito nang dumating sa NAIA.
Sa ulat ng BI Anti-Terrorist Group, kinilala ang nadakip na suspek na si Wendy Jane Marais, 64-anyos, na matagumpay na nasabat ng NAIADITG kasunod ng impormasyong natanggap na magpapasok ito ng illegal drugs.
Nabatid na dumating si Marais sa NAIA Terminal 1 sakay ng Japan Airlines mula Mexico.
Sinasabing nang dumating ang suspek ay agad na hinarang ito ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) na nagsagawa ng pagsisiyasat sa bagahe nito kung saan nakita ang 7.15 kilo ng methamphetamine hydrochloride, na nakatago sa tsokolate at nagkakahalaga ng P48,680,000.00.
Dahil sa operasyong ito, agad na inaresto si Marais ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
“We received information from international intelligence sources that Marais was involved in smuggling illegal drugs from Mexico to Manila. As a result, the BI’s ATG immediately verified her arrival and successfully identified her to allow the BOC to conduct the search,” ayon sa BI.
“Through information sharing and data analysis, law enforcement agencies can identify and disrupt criminal activities more effectively,” ayon dito.
