Pulis escort ng bookies ng STL sa Albay?

GUSTO nating tawagan ng atensiyon ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa sumbong na nakarating sa atin, mismong mga pulis daw kasi ng Albay Police Provincial Office ang nagsisilbing escort ng mga kolektor ng illegal na bookies ng Small Town Lottery (STL) sa naturang probinsiya.

Kaya bago pa sana masayang ang resources ng pamahalaan, kailangang gumawa ng aksiyon kaagad dito sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos at PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr.

Para sa kaalaman ng lahat, legal po ang STL sa Albay province.

Pag-aaari ito ng New Royal Fortune Gaming Corporation na binigyang prangkisa ng PCSO.

Ginagawang legal ang isang STL upang hindi na mahumaling sa jueteng ang ating mga kababayan na umaasa sa pang-araw-araw na pagkukunan ng pagkain sa pamamagitan ng illegal gambling.

Ang problema, may mga sindikato talagang ayaw sa isang legal na pamamaraan.

Ang gusto nilang gawin ay palaging illegal para hindi makapagbayad ng buwis.

At siyempre, kapag hindi nare-remit sa legal na STL ang pataya ng isang binu-bookies na STL, lugi ang gobyerno rito at lugi ang taumbayan.

Ganyan ang nangyayari umano sa Albay province dahil sa halip na ipasok sa New Royal Fortune Gaming Corporation ang mga kurbansa ng taya, nabo-bookies pa ito ng ilang oportunistang indibiduwal sa tulong ng ilang tiwaling miyembro ng Albay PPO.

Ang sistemang ito ay dapat bantayan din mismo ni PCSO general manager Mel Robles dahil agrabyado ang taumbayan sa sistemang ito.

Isang mataas na opisyal umano ng Albay PPO ang nag-utos pa mismo na bigyan ng escort ang mga kolektor ng illegal bookies ng STL.

Ang kasabwat ng naturang police official ay dati nang illegal bookies operator ng STL sa probinsiya na may alyas Jayson M at Dong DS.

Kaya nga dapat ấy maging mahigpit si Albay PPO director Col. Jun Cunanan, gayundin ang hepe ng Intelligence Unit na si Lt. Col. Tapel dahil makasisira po sa imahe ng PNP ang mga ganitong uri ng sumbong.

Ang report po kasi, pinipilit daw ang mga legal na kubrador ng STL na huwag i-remit sa New Royal Fortune Gaming Corporation ang kanilang nakukubrang taya at sa halip ay ipasok ito sa bookies.

Kaya raw nagsisilbing escort ang mga pulis sa Albay upang siguraduhin sa bookies ng STL napapasok ang taya.

Sana ay maagapan ito kaagad.

Bukod sa pagkalugi sa pamahalaan, hindi dapat magpagamit ang PNP sa anumang laro ng STL.

Marami na pong problema ang Albay.

Nariyan ang bantang pagsabog ng Bulkang Mayon na dapat pagtuunang pansin ng kapulisan, hindi ang pag-escort sa bookies ng STL.

Umaasa tayong magkakaroon ng aksiyon at tugon dito sina Sec. Abalos, Gen. Acorda, Col. Cunanan at GM Robles.

Kesa naman pumunta pa ang PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa Albay para hulihin ang mga tiwaling pulis sa Albay PPO.

Ano tingin n’to mga repapips?

****

Para sa anumang reaksyon, suhestiyon at sumbong, tumawag o mag-text sa cell phone no. 09157412674.

Leave a comment