

Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pasasalamat si Bukidnon 2nd district Rep. Jonathan Keith “John” Flores kina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at misis nitong si Tingog party-list Rep. Yedda Marie K. Romualdez, sa mabilis nitong aksyon para matulungan ang mga naapektuhan ng pagbaha sa kaniyang distrito.
“I would like to commend the Speaker, Congresswoman Yedda, and Congressman Jude Acidre for their assistance,” ani Flores na tinukoy ang P1 milyong donasyon mula sa personal relief fund ng Speaker’s office.
Nagbigay rin ng tulong ang mag-asawang Romualdez upang agad na lumabas ang P10 milyong halaga ng ayuda para sa mga binaha sa ilalim ng assistance to individuals in crisis situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development.
Sa susunod na linggo na umano ipapamahagi ang naturang tulong na magagamit sa pagsasaayos ng mga nasirang kabahayan.
Plano naman ni Flores na gamitin ang P500,000 cash assistance mula kay Speaker Romualdez sa pagtatayo ng community pantry kung saan bibilhin sa mga magsasaka ang kanilang ani na ipamamahagi sa pantry.
Nakuha ni Flores ang ideya mula kay Albay 3rd district Rep. Fernando Cabredo na nagtayo ng community pantry para sa mga inilikas kaugnay ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Nakatanggap din si Cabredo ng kaparehong tulong mula kina Speaker Romualdez, Reps. Yedda at Jude Acidre.
