
Ni NOEL ABUEL
Posible pa ring ipagpaliban ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa kabila ng naging desisyon ng Korte Suprema.
Ito ang sinabi ni Senador Francis Tolentino na ang hinaharap na pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ay nananatiling isang posibilidad sa kabila ng kamakailang desisyon ng Korte Suprema na nagpapawalang-bisa sa batas na nagpapaliban sa 2022 BSKE.
Sinabi pa ni Tolentino, chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights, sa kabila ng desisyon ng mataas na hukuman na nagdeklara sa Republic Act No. 11935—ang batas na nagpapaliban sa BSKE mula sa unang iskedyul nito noong Disyembre 5, 2022, hanggang sa huling Lunes ng Oktubre 2023—bilang ‘unconstitutional,’ malinaw rin ang desisyon na ang anumang pagpapaliban sa hinaharap ay dapat alinsunod sa mga alituntunin na itinakda ng SC tulad ng pagkakaroon ng public emergency at ito ay naglalayong pangalagaan ang iba pang pangunahing karapatan ng mga botante.
“Ngayon po maliwanag na, may guidelines po ang Korte Suprema subalit hindi po sinasabi sa bagong Supreme Court decision na bawal nang mag-postpone ng BSKE. Basta sundin mo ‘yung limang guidelines, it will not prevent future Congresses from postponing—kung mami-meet po itong guidelines na ito,” sabi ni Tolentino.
Sa desisyon nito noong nakaraang linggo, nakita ng Supreme Court (SC) na kinakailangang magtakda ng mga alituntunin at prinsipyo na nauukol sa anumang aksyon ng gobyerno na naglalayong ipagpaliban at i-reschedule ang pagsasagawa ng anumang darating na barangay at SK polls.
“’Yun naman po ang maliwanag dito. Hindi po sinabi ng Supreme Court na bawal kayo (Congress) mag-postpone,” sabi pa ni Tolentino.
Binigyan-diin din ni Tolentino na kinilala rin ng SC ang awtoridad ng Kongreso na magsabatas ng mga batas sa mga hinaharap na ‘hold over’ ng mga kasalukuyang opisyal ng barangay at SK, taliwas sa argumento ng mga petitioner na maaari itong tawaging ‘legislative appointments.’
Samantala, sinabi ni Tolentino na nasa pamunuan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso, lalo na ng mga miyembro ng majority bloc kung iaapela ang desisyon ng SC.
Ipinaliwanag din ng senador na sa kabila ng desisyon ng mataas na hukuman, kinilala pa rin ng tribunal ang legal practicality at pangangailangan ng pagpapatuloy sa pagsasagawa ng BSKE sa ilalim ng RA 11935 sa huling Lunes ng Oktubre 2023, alinsunod sa tinatawag na “Operative Fact Doctrine. ”
“Ito po ay sang-ayon din sa 1971 decision ng Supreme Court eh—Agbayani vs. PNB—na kinikilala na kung mayroon ng effect ‘yung nagawang batas bago pa ito i-declare na unconstitutional, hindi naman po ito totally void o ipapawalang-bisa. ‘Yung hinanda na ng Comelec—’yung pag-print ng balota, ‘yung date na ini-schedule na—matutuloy po ‘yon,” giit pa ni Tolentino.
