4 dayuhang sumira sa Philippine flag nakulong sa BI facility

Ang apat na dayuhan na nakatakdang ipa-deport ng Bureau of Immigration.

Ni NERIO AGUAS

Nakakulong na sa Bureau of Immigration (BI) jail facility ang apat na dayuhan na unang dinakip ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) matapos maaktuhang sinisira ang bandila ng Pilipinas sa Ternate, Cavite.

Ayon sa BI, ang apat na dayuhan kabilang ang tatlong Pakistani nationals at isang Romanian ay isinasailalim na sa imbestigasyon bago tuluyang ipatapon pabalik ng kanilang bansa at tuluyang ilagay sa blacklist order ang mga ito para hindi na makabalik ng Pilipinas.

Magugunitang noong Hunyo 26 nang maaktuhan ang nasabing mga dayuhan ng isang tauhan ng Philippine Marine Corps na hinila pababa ang bandera ng Pilipinas bago sinira at itinapon na tahasang paglabag sa Republic Act 8491o as “An Act Prescribing The Code of the National Flag”.

Kinilala ang mga ito na sina Sharoon Manzoor, 29-anyos, Shahid Manzoor, 45-anyos, at Shamail Jalal, 36-anyos, pawang mga Pakistani at pansamantalang nakatira sa Pasig City habang ang Romanian ay si Ioan Emil Oprescu, 35-anyos.

“Foreign nationals staying here must respect our country and our laws. Foreigners destroying symbols of our country show utmost disrespect and do not deserve our hospitality,” ayon sa BI.

Base sa imbestigasyon, patungo sana sa Puerto Azul sa Ternate, Cavite ang mga nasabing dayuhan nang maipit sa trapiko.

Nang makarating sa bisinidad ng Marine Base Gregorio Lim sa Sitio Calumpang, Barangay Sapang 1 sa Ternate, bumaba ng sasakyan ang mga dayuhan at walang dahilan na hinila mula sa flag pole ang bandera ng Pilipinas bago sinira.

At nang maaktuhan ito ng isang sundalo ng Philippine Marines ay agad na humingi ng tulong sa PNP at agad na inaresto ang mga dayuhan.

Leave a comment