
Ni NOEL ABUEL
“Hindi pa sapat ‘yang P40.00.”
Ito ang sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa inaprubahang daily wages hike para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Nais ni Zubiri na dagdagan pa ng P100 ang dagdag sa sahod ng mga manggagawa upang maramdaman nang husto ng taumbayan ang makasunod sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Aniya, bagama’t natutuwa ito sa desisyon ng regional wage board na P40 daily wage hike, hindi pa rin umano ito mararamdaman ng taumbayan.
“That’s not enough. Hindi pa nga kayang bumili ng isang kilong bigas because if you go around the markets, one kilo of rice is about P44 to P45 today nowadays. So hindi po siya sapat. And we’ve done our research, we’ve done our interviews, and definitely we need at least P100 increase per day to make a big impact to the labor force, at least in Metro Manila,” ani Zubiri.
Dagdag pa ni Zubiri, kailangan na gawing “across-the-board” ang dagdag na suweldo sa iba pang rehiyon upang makatulong sa mga minimum wage earners na makatugon sa mataas na presyo ng tubig at kuryente.
“All the provinces from region one all the way to the last region, which is CARAGA. And in the provinces, the minimum wage is only P350 to between P350 to P370. What is the difference between our laborers in Mindanao as compared to the laborers in Metro Manila, where they’re getting at least a P580 at a time or P580 per day? Where all the prices of rice is the same, the price of electricity is even more expensive. ‘Yung cost of living doon ay ganu’n pa rin kamahal,’ giit pa ni Zubiri.
Dahil sa P40.00 na dagdag sahod na inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission, ang mga manggagawa sa NCR ay makakatannggap ng pinakamataas na daily minimum wage rate mula sa P573 ay magiging P610.
Malayo ito sa mga manggagawa sa ibang rehiyon na ang daily minimum wages ay nasa P306 hanggang P470.
Sinabi pa ni Zubiri na hindi rin nararamdaman ng mga manggagawa ang 6.6 percent GDP growth rates.
Inihalimbawa pa nito, na batid nito ang hirap ng mga contractual employees kung kaya’t ayaw nito ang contractual workers.
“Kaya kami sa Senate bukas ang puso namin, ‘yung mga contractual, ayoko magkaroon ng contractual but what can we do, the elevator ladies, the janitors, the security guards that get minimum daily wage. We let them stay in the Senate. Dahil kung uuwi pa sila araw-araw, magpapamasahe pa araw-araw, hindi na po sapat ang pera nila para sa kanilang pamilya. And remember kakaltasan pa ‘yan ng SSS, ng Pag-ibig, ng Philhealth by the time, they get their salaries ‘yung P40 na ‘yan kinaltas na ‘yan sa Pag-ibig, sa SSS and Philhealth so they really don’t feel the change at all,” paliwanag pa ni Zubiri.
