
DAPAT na talagang gumawa ng aksiyon ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa pang-aabuso ng ilang pulis natin diyan sa Albay Police Provincial Office (PPO).
Bukod daw kasi sa pag-e-escort sa bookies ng Small Town Lotter (STL) ay ginagawa ring bantay ng illegal quarry sa Albay ang mga pulis ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda, Jr.
Pangit na gawain ito na dapat i-counter ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa Camp Crame.
Dapat maging mahigpit si Albay PPO director Col. Jun Cunanan para linisin ang kanyang hanay dahil nakasisira ito sa imahe ng pambansang pulisya.
Dapat nga ay tanungin din ni Col. Cunanan si Lt. Col. Tapel na hepe ng kanyang intelligence unit kung bakit may mga ganitong uri ng sumbong.
Sa halip na seguridad ng mga kababayang Bicolano ang manaig, lalo’t nakataas ang banta ng pagsabog ng Bulkang Mayon, ay mga iligalista ang binibigyang ‘security’ daw ng ilang tiwaling alagad ng batas.
Kung matatandaan, may mga reklamo nang dumating sa tanggapan nina DILG Sec. Benhur Abalos at PCSO general manager Mel Robles hinggil sa pagbo-bookies ng STL sa naturang probinsiya.
Ang bookies ay pinangungunahan umano ng mga alyas Jayson at Dong DS.
Ang masaklap, sa halip na makapag-operate nang maayos ang New Royal Fortune Gaming Corporation na silang may legal na prangkisa sa pag-operate ng legal na STL, ginagawang jueteng ito sa tulong mga tiwaling pulis-Albay.
Hindi magandang gawain ito na dapat masawata sa lalong madaling panahon.
Kaya ginawang legal ang STL upang mga kababayan nating nahuhumaling sa jueteng ay doon na lamang sila tumaya.
Dahil ang milyon kurbansa na nakukuha sa legal na STL ay magagamit ng pamahalaan para sa pangunahing serbisyo sa ating mga kababayan.
Pero ngayong may ilang grupo na pilit ginagawang illegal ang legal, tiyak maraming pera ng taumbayan ang mawawala dahil sa halip magamit sa basic services, napupunta lang ito sa bulsa ng iilan.
Sa isyu ng illegal quarry, alam ng lahat na isa ito sa sumisira sa ating inang kalikasan.
Panahon ng tag-ulan ngayon at tag-bagyo. Ramdam natin ang pabagu-pabagong klima ng panahon.
Ngayon kung mismong mga pulis-Albay pa ang nagbibigay proteksiyon sa illegal quarry sa probinsiya, hindi ko na alam kung paano pa magtatagumpay ang laban natin kontra climate change.
