Sen. Tulfo dismayado sa pasilidad ng PUP-Sta Mesa

2024 budget ipaglalaban na itaas

Sira-sirang ng sahig: Isa ang sirang sahig sa PUP Sta. Mesa ang nakita ni Senador Raffy Tulfo.

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng labis na pagkadismaya si Senador Raffy Tulfo sa kalunus-lunos na pasilidad sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) Sta. Mesa, Manila.

Sa kanyang ginawang ocular inspection sa nasabing state university, hindi matanggap ni Tulfo ang nakitang sira-sirang pasilidad partikular sa Engineering Laboratory ng eskuwelahan.

Napansin ni Tulfo na napaglipasan na ng panahon ang mga laboratory equipment ng Engineering Department at hirap pang paandarin, ang iba ay nagmistula pang basura maliban pa sa mga butas-butas na bubong, mga sahig sa second floor na gawa sa kahoy na tumutunog-tunog kapag dinadaanan at tila bibigay na.

May nakita rin itong mga gusaling kailangan nang i-renovate at maraming silya ang nangangalawang at marupok na sa kalumaan, mala-pugon na hallways at classrooms na sobrang init dahil kulang na nga sa ventilation, wala pang ceiling fans.

At ang mga elevators sa iba’t ibang gusali ay sira, na dapat sana’y pinapakinabangan ng mga estudyanteng may kapansanan.
Hindi rin pinalampas ng senador ang nakita sa basketball court nito na tuklap ang semento at ang mga kable ng kuryente ay lumalawit sa loob ng gym na maaaring makaaksidente.

Ilan sa mga gusali ay walang kuryente dahil sa mga ginagawang konstruksyon kabilang ang isang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na noong isang taon nang isinasaayos pero hanggang ngayon ay paghuhukay pa lamang ang nagagawa.

Kapansin-pansin din ang nagkalat na mga tinambak na binasurang gamit sa iba’t ibang lugar sa campus na maaaring pagpugaran ng mga lamok at maging sanhi ng dengue.

Ayon kina University President Manuel M. Muhi at Vice President for Administration Adam V. Ramilo, taun-taon, ang budget na inilalaan ng Kongreso para sa unibersidad ay tinatapyasan ng Department of Budget Management (DBM) kung kaya’t tali ang kanilang mga kamay sa paggawa ng karampatang building improvements at pagbili ng mga modernong kagamitan.

Dahil dito, ipinangako ni Tulfo kina Muhi at Ramilo na tutulong itong maipaglaban ang pondo ng PUP sa susunod na budget hearing ng Senado para mapaayos at mapaganda ang PUP lalo pa’t nang malaman nito na marami sa mga estudyante rito ay mga anak ng overseas Filipino workers (OFWs).

Leave a comment