4 BI personnel na sangkot sa ‘pastillas scheme’ sibak sa tungkulin

NI NEILL ANTONIO

Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng Office of the Ombudsman na sibakin sa trabaho ang ilang tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa kontrobersyal na “pastillas scheme” para makapasok ang ilang Chinese nationals sa bansa.

Sa 27-pahinang desisyon ni Associate Justice Apolinario Brusela Jr., ng CA Fifth Division, tinuluyang masibak sa tungkulin sina Deon Albao, Danieve Binsol, Fidel Mendoza, at Chevy Chase Naniong dahil sa kasong administratibo kaugnay ng grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Ayon pa sa appellate court, napatunayan na sina Albao at Binsol ay kabilang sa tinatawag na amo ng nasabing ‘pastillas scheme’ habang si Mendoza naman ang itinuturing na “right-hand man” kasama si Naniong.

“To begin with, the Court finds that there can be no doubt as to the existence of the pastillas scheme in the BI and the conspiracy among some of its employees to perpetrate the scheme,” ayon sa desisyon ng CA.

Nabatid na naging matibay ang ebidensyang isinumite ng tumayong whistleblower na sina Alex Chiong at Dale Ignacio, pawang mga BI employees, laban sa mga naturang mga kasamahan ng mga ito.

“The evidence presented by the FIO – consisting of affidavits of Chiong ang Ignacio and several photographs of conversation among BI employees, among others – substantially established the modus operandi of these employees,” sabi pa ng CA.

Ang kaso ay nag-ugat sa petisyon na inihain ng apat na akusado laban sa desisyon ng OMB na napatunayan na guilty ang mga ito sa kasong grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Ibinasura ng CA ang argumento ng mga akusado na nagsabing espekulasyon at hearsay lang ang akusasyon laban sa mga ito.

Bagama’t isa sa mga naging testigo ang umaming kabilang sa ‘pastillas scheme’, sinabi ng CA na hindi naman nakaapekto ang kredibilidad nito.

“As long as the testimony is true to human experience, given in a straightforward and unhesitating manner, and made without malice or ill-will against the person to whom the testimony was given, the testimony of a person may still be credible despite his or her participation in the incident subject of the testimony,” ayon pa sa CA.

Samantala, guilty rin sa kasong simple neglect of duty at suspendido ng anim na buwan nang walang suweldo laban kay dating Ports Operations Division (POD) acting chief Grifton Medina.

Si Medina ay unang pinatawan ng guilty sa kasong grave misconduct subalit ibinasura ito dahil sa kakulangan ng ebidensya na magsasangkot dito sa nasabing scheme.

Ngunit sinabi ng CA na hindi naman ito nangangahulugang wala nang pananagutan si Medina.

“Considering the bureau-wide modus of the pastillas scheme, Medina, given his rank and level of responsibility, did not efficiently and effectively perform the act expected of him as head of the POD,” sabi ng CA.

Leave a comment