
Ni NERIO AGUAS
Lumagda ng kasunduan ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para ilunsad ang Makabata Helpline para mapalakas ang child labor reporting system sa bansa.
Sa ilalim ng Makabata, ob“MA-halin at KA-lingain ating mga BATA,” layon nito na tiyakin ang iba’t ibang pangangailangan ng mga bata at kanilang mga pamilya at natutugunan sa pamamagitan ng isang mahusay na sistema ng referral at paghahatid ng serbisyo.
Ang helpline ay magbibigay-daan sa mas mabilis na pag-uulat at pagtugon sa mga pangangailangan na may kaugnayan sa mga bata, kabilang ang pang-aabuso sa bata at child labor.
Sinusuportahan din nito ang dobleng pagsisikap ng labor department sa pagpuksa sa child labor sa bansa, partikular sa pagsubaybay sa mga profiled child laborers upang mapadali ang pagsagip sa child labor.
Maaari itong tawagan sa pamamagitan ng telepono sa 0960-377-9863 (Smart)/0915-802-2375 (Globe) o sa pamamagitan ng email sa makabata1383@cwc.gov.ph.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Labor Undersecretary Benjo Santos Benavidez noong 2023 World Day against Child Labor (WDACL) Culminating Activity noong Hunyo 23, pinasalamatan ni Labor Secretary Laguesma ang sama-samang pagsisikap ng lahat ng pangunahing ahensya para wakasan ang child labor sa Pilipinas.
“Kinikilala ko rin ang bukas-palad na pagsuporta ng mga miyembro at social partners natin mula sa National Council Against Child Labor (NCACL)… Salamat sa walang sawang pakikiisa at paniniwala sa labang ito (I also acknowledge the support of all NCACL members and social partners for their unending cooperation and contribution to the fight against child labor),” ayon sa labor chief.
Inilunsad din sa okasyon ng WDACL ang Child Labor Knowledge Sharing System (https://batangmalaya.ph/), na nagtataglay ng lahat ng impormasyon tungkol sa child labor, pati na rin ang pinagsama-samang pagsisikap at inisyatiba ng NCACL at ng mga kasama nito.
Maaaring ma-access ng publiko ang data na nauugnay sa child labor, tulad ng sitwasyon ng child labor sa bansa at ang kasalukuyang katayuan ng pagpapatupad ng programa, sa pamamagitan ng platform ng pagpapalitan ng kaalaman.
