Attention Albay Gov. Edcel Greco Lagman at PRO5 chief Brig. Gen. Westrimundo Obinque

IREKTA natin ang panawagang ito kina Albay Governor Excel Greco Lagman at kay Police Regional Office (PRO) 5 chief Brig. Gen. Westrimundo Obinque.

Kung hindi kasi gagawa ng aksiyon ang dalawang magiting na opisyal, malamang ay maging talamak na naman ang jueteng sa kanilang probinsiya.

Naisulat natin kamakailan ang garapalang pagbo-bookies sa Small Town Lottery (STL) na legal na ngayon sa Albay.

Sa kabila ng nakuhang prangkisa ng New Royal Fortune Gaming Corporation upang legal na makapagpataya ng STL, ginagawang bookies naman ito ng ilang scammers na indibiduwal.

Ang masaklap, mismong mga pulis daw mula sa Albay ang nagsisilbing security escort ng mga kubrador ng STL bookies con jueteng upang walang makahuli sa kanila.

Nanawagan na tayo kay Albay Police Provincial Office director Col. Jun Cunanan, pati sa hepe ng intelligence unit na si Lt. Tapel.

Ang problema, mukhang masyadong busy sina PD kaya ang mga ganitong uri ng reklamo ay hindi nila pinapansin.

Samantalang hayagan at garapalan ang gingawang pang-e-escort ng ilang miyembro ng Albay PNP sa mga kubrador ng jueteng, gayundin sa illegal quarry.

Ang kasabwat ng mga ito ay isang alyas Dante na nagpapakilalang pinsan ng isang mataas na opisyal sa kapitolyo.

Kaya bago sana mahuli ang lahat, magandang gumawa ng aksiyon sina Gov. Lagman at Gen. Obinque tungkol dito.

Hindi po maganda na mismong mga alagad ng batas natin ang nag-e-escort sa mga iligalista tulad ng jueteng at illegal quarry.

Alam kong maraming problema pa ang kinakaharap ang Albay ngayon lalo’t nakataas ang banta ng pagsabog ng Bulkang Mayon.

Kaya hindi ko maintindihan kung bakit sinasayang ang resources ng pamahalaan para proteksiyunan ang mga illegal na gawain tulad ng jueteng at illegal quarry.

Umaasa po tayong may gagawing aksiyon sina Governor Lagman at Gen. Obinque tungkol dito.

***

Para sa anumang reaksyon, suhestiyon at sumbong, tumawag o mag-text sa cell phone no. 09157412674.

Leave a comment