NBI nalulusutan ng high profile inmate–solon

Jan Dera, 4 beses na nakatakas

Senador Francis Tolentino

Ni NOEL ABUEL

Mistulang bulag ang pamunuan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa nangyayari sa loob ng nasabing opisina at hindi nalalaman na may nakalalabas na person deprived with liberty (PDL).

Ito ang lumabas sa isinagawang imbestigasyon ng Senate Committee on Justice and Human Rights na nag-iimbestiga sa paglabas ng high profile inmate na si Jose Adrian “Jad” Dera sa NBI detention facility kung saan inamin ni NBI Director Medardo Del Lemos na wala itong nalalaman na may nangyayaring paglabas ng mga PDL na nasa kustodiya nito.

“It was only after the arrest that this unauthorized bringing out of the detainee came to the attention of the top management of the NBI,” sabi ni De Lemos.

Si Dera, na co-accused ni dating Senador Leila de Lima sa kasong drug case, at naging bagman umano ng senador, inamin nito kina Senador Francis Tolentino, chairman ng komite at Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na apat na beses na itong nakakalabas ng NBI detention center.

“Mga apat na beses lang,” maikling pahayag ni Dera sa tanong ni Tolentino.

Ngunit naniniwala si Tolentino na hindi lang apat kung hindi anim o higit pa ang bilang ng pagtakas ni Dera sa NBI center.

Kabilang sa sinabi ni Dera na noong Disyembre 10, 2021 nang magpagamot ito sa Manila Doctors Hospital gamit ang court order gayundin nagpagamot din umano ito sa Hospital of the Infant Jesus sa Maynila subalit wala itong maipakitang court order.

Subalit natuklasan din na makailang beses na nag-’”joyride” si Dera sa paghahatid ng kapwa nito inmate na inililipat ng ibang piitan tulad na lamang sa Dasmarinas City, Cavite at Calatagan, Batangas kung saan nagawa nitong makasama ang mga NBI officers.

Magugunitang si Dera, kasama ang anim na tauhan ng NBI ang inaresto noong Hunyo 21, 2023 matapos na lumabas ng detention facility at nakita sa video na kumakain sa isang restaurant kasama ang isang babae sa Makati City.

Samantala, sinabi ni Dela Rosa na niniwala itong walang kinalaman si De Lemos sa paglabas ng NBI facility ni Dera at tanging nadidiin ang dating NBI supervisor na si Randy Godoy at ng hepe nito.

At dahil sa pangyayari, nalulungkot ang mga senador na nababahiran ng masamang imahe ang NBI dahil sa posibleng nababayaran umano ang ilang tauhan nito ng mga high profile inmates para makalabas ng NBI center.

Samantala, naungkat din na nakasama ni Dera sa NBI facility ang ilang akusado sa Degamo case kung saan sinasabing isa ito sa nagtulak umano para bumaligtad ang mga huli sa kanilang affidavit.

Dahil dito, sinabi ni Tolentino na kasalukuyang hinuhuhukay na ng Department of Justice (DOJ) ang nasabing ulat upang malaman kung maaaring may katotohahan na nagamit si Dera ng kampo ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves.

Leave a comment