7 wanted na dayuhan hawak na ng BI

Ni NERIO AGUAS

Hawak na ng Bureau of Immigration (BI) ang 7 dayuhan na kabilang sa mga nasagip sa isinagawang operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa isang POGO hub sa Las Piñas City kamakailan.

Ayon sa BI, kabilang sa mga dayuhan na nakadetine na sa BI jail facility ay apat na Chinese nationals at tatlong Taiwanese na pawang wanted sa kanilang mga bansa.

“We recently received information from their country that they are wanted fugitives. Hence a mission order was issued against them and they were arrested for being undesirable aliens,” ayon sa BI.

Nakilala ang apat na Chinese nationals na si Zhang Quanbao, Song Tianming, Yu Liming, at Liu Jianxin.

Samantala, ang tatlong Taiwanese ay nakilalang si Li Yi Liang, Huang Hsin-Chiang, at Lin Yue Hong.

Base sa impormasyon mula sa mga awtoridad ay nagsiwalat na ang mga warrant of detention ay inisyu laban sa mga Chinese national ng Public Security Bureau sa China para sa contract fraud, drug trafficking, telecom fraud at theft.

Habang ang Taoyuan and Taichung District Prosecutors Office sa Taiwan ay naglabas ng warrants of arrest laban sa mga nasabing Taiwanese fugitives na sangkot sa fraud at offenses of causing bodily harm.

Ang naturang mga dayuhan ay pawang nagtatrabaho sa isang sindikato na nagpapatakbo ng isang online gaming hub sa Pilipinas.

Mananatili sa pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig ang mga dayuhan habang nakabinbin ang deportation proceedings laban sa mga ito.

Leave a comment