
Ni NERIO AGUAS
Lumagda ng kasunduan ang Department of Labor and Employment (DOLE) at ang Council for the Welfare of Children (CWC) sa paglulunsad ng Makabata Helpline na naglalayong palakasin ang child reporting system sa bansa sa pagdiriwang ng 2023 World Day against Child Labor (WDACL) Culminating Activity noong Hunyo 23.
Sinasabing malaking tulong ang helpline para sa mas mabilis na pag-uulat at pagtugon sa mga usapin at isyu na may kinalaman sa mga bata, kabilang ang pang-aabuso sa bata at child labor.
Sinusuportahan din nito ang dobleng pagsisikap ng labor department na wakasan ang child labor sa bansa, partikular sa pagsubaybay sa mga profiled child laborers upang agad silang maalis sa mga delikadong trabaho.
Layunin ng Makabata, na nangangahulugang “MA-halin at KA-lingain ating mga BATA,” na tiyakin na matugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga bata at kanilang pamilya sa pamamagitan ng maayos na referral system at paghahatid ng serbisyo.
Maaaring maabot ang helpline sa pamamagitan ng telepono: 0960-377-9863 (Smart)/0915-802-2375 (Globe), email: makabata1383@cwc.gov.ph; social media: https://www.facebook.com/MakabataHelpline, o personal referral.
Pinasalamatan ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma ang sama-samang pagsusumikap ng lahat ng pangunahing ahensya para wakasan ang child labor sa Pilipinas.
“Kinikilala ko rin ang bukas-palad na pagsuporta ng mga miyembro at social partners natin mula sa National Council Against Child Labor (NCACL)… Salamat sa walang sawang pakikiisa at paniniwala sa labang ito,” wika ng kalihim.
Inilunsad din sa ginanap na WDACL ang DOLE-initiated Child Labor Knowledge Sharing System website (https://batgmalaya.ph/), na nagtataglay ng lahat ng impormasyon sa child labor, gayundin ang pinagsama-samang pagsisikap at inisyatiba ng NCACL at ng mga partner nito.
Maaaring makita ng publiko ang impormasyon ukol sa child labor, tulad ng sitwasyon ng child labor sa bansa at ang kasalukuyang katayuan ng pagpapatupad ng programa, sa pamamagitan ng knowledge exchange platform.
Bilang simbolo sa pangako na wakasan ang child labor sa bansa, ipinahayag ng mga kasapi ng NCACL at mga partner nito, sa pangunguna nina DOLE Undersecretary Benavidez at CWC Undersecretary Angelo Tapales, ang kanilang pangako na ipatutupad ang Philippine Program against Child Labor (PPACL) Strategic Framework 2023-2028 sa pamamagitan ng isang seremonyang paglalagda.
Magsisilbing gabay sa mga kasapi at partner nito ang framework sa pagbuo ng mga patakaran at programa na naglalayong baguhin ang buhay ng mga child laborer, kanilang mga pamilya, at komunidad upang magkaroon ng pagpapahalaga sa sarili, pagpapalakas sa kanilang kakayahan, at pag-unlad ng kanilang pamumuhay.
Nakatanggap ang mga dating child laborer at kanilang pamilya ng tulong-pangkabuhayan mula sa (DOLE).
Sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), makatanggap ang mga magulang ng mga natukoy na child laborer ng kabuuang P 3 milyong halaga ng tulong-pangkabuhayan, kung saan 43 ang tumatanggap ng bigasan package, 41 ang tumatanggap ng sewing package, at 16 ang tumatanggap ng Nego-karts.
Sa pamamagitan naman ng Project Angel Tree initiative sa ilalim ng DOLE Child Labor Prevention and Elimination Program, 100 child laborers ang nabigyan ng school supplies, pagkain, at iba pang gift packs.
Bukod sa tulong-pangkabuhayan, tumanggap din ang mga benepisaryo ng libreng skill training registration mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA); mga serbisyong medikal at dental mula sa Department of Health; mga punla ng halaman at gulay mula sa Department of Agriculture; mobile NBI clearance application mula sa National Bureau of Investigation; libreng pagpapayo at information materials mula sa Council for the Welfare of Children at Philippine National Police; at mga information materials at food packs mula sa World Vision Development Foundation, at iba pa.
