Pamahalaan kumpiyansang maibibigay ang pautang para sa Bataan-Cavite interlink bridge project

Ni NERIO AGUAS

Umaasa ang pamahalaan na maaaprubahan ng Asian Development Bank (ADB) ang pautang para sa Bataan-Cavite bridge project sa Nobyembre ng kasalukuyang taon.

Una nito, tinapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dalawang linggong pagtalakay nito sa Asian Development Bank (ADB) Fact-Finding Mission na may layuning makakuha ng pag-apruba sa pautang para sa Bataan-Cavite Interlink Bridge (BCIB) project sa Nobyembre.

Sa kanyang ulat kay Secretary Manuel M. Bonoan, sinabi ni Senior Undersecretary Emil K. Sadain na ang nasabing pagpupulong na nagsimula noong Hunyo 16 hanggang Hulyo 5, 2023 sa pagitan ng ADB Mission at DPWH sa pamamagitan ng Unified Project Management Office – Roads Management Cluster II (UPMO-RMC II) sa pamumuno ni Project Director Sharif Madsmo H. Hasim at Project Manager Teresita V. Bauzon ay nakatuon sa pangkalahatang kahandaan ng proyekto bago ang paghahanda ng loan agreement para sa 32-kilometer BCIB Project.

Maliban sa DPWH, ang pagpupulong ay nilahukan ng mga detailed engineering design (DED) consultant na TY Lin International, Ltd. sa joint venture sa Pyungwha Engineering & Consulting Co., Ltd. na tinanggap ng gobyerno para sa paghahanda ng proyekto.

Nagpasalamat naman si Sadain sa aktibong pakikipag-ugnayan ng mga opisyal ng ADB sa pamumuno ni Witoon Tawisok, Ms. Hiet Thi Hong, Ms. Gengwen Zho, at Ms. Myra Evelyn Ravelo; at ang partisipasyon ng Department of Finance (DOF) sa panahon ng Fact-Finding Mission.

Ang ADB kasama ang Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) ay nauna nang nangakong tutustusan ang pagtatayo ng Bataan-Cavite Interlink Bridge Project na naka-target na magsimula sa 2024.

Ang BCIB project ay hahatiin sa pitong (7) contract packages kung saan magsisimula muna ang konstruksiyon sa dalawang (2) on-land packages kung saan ang package 1 ay limang (5) kilometrong Bataan Land Approach at package 2 na 1.35 kilometrong Cavite Land Approach.

Habang ang packages 3 at 4 ay Marine Viaducts sa hilaga at katimugan na may habang 20.65 kilometro.

Samantala, ang package 5 at 6 ay ang North Channel at South Channel Bridges na may haba na 2.15 at 3.15 kilometro, ayon sa pagkakasunod at ang package 7 ay nagsasangkot sa project-wide ancillary works.

Leave a comment