
Ni NOEL ABUEL
Nagpasalamat kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si House Appropriations committee chairman Rep. Zaldy Co matapos iutos ng Pangulo ang malalimang imbestigasyon laban sa agricultural smugglers, hoarders at price fixers.
Ayon kay Co, seryoso umano si PBBM na paimbestigahan sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) ang criminal syndicates na bumibiktima sa milyun-milyong Pilipino.
Ikinatuwa ni Co ang utos ng Pangulo dahil umano na isang pagkilala sa naunang imbestigasyon ng Kamara sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez, Quezon Rep. Mark Enverga at Marikina Rep. Stella Quimbo, hinggil sa hoarding, smuggling, at price fixing ng mga agricultural products.
Dagdag ng kongresista, dapat umanong sampahan ng kasong economic sabotage ang private individuals at mga kasabwat nilang government officials na mapapatunayang nasa likod ng malawakang smuggling at pananamantala sa taumbayan.
Binanggit din ni Co na dapat umanong i-liberalize o buksan ang importation lalo na sa panahong kulang ang mga agri products.
Subalit dapat aniya itong limitahan sa panahon ng anihan upang hindi naman malugi ang mga magsasakang Pilipino.
