551 aplikante hired on the spot sa mega job fair ng Caloocan gov’t

Ni JOY MADELAINE

May kabuuang 551aplikante ang na-hire on the spot sa mega job fair na pinangunahan ng pamahalaang lungsod ng Caloocan, katuwang ang 49 pribadong kumpanya, noong Biyernes, Hulyo 7 sa Caloocan City Sports Complex.

Nagpasalamat si City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa Public Employment Service Office (PESO) ng lungsod sa ginawang job fair at nagpahayag ng kanyang pananabik para sa mga bagong trabaho ng mga residente lungsod.

“Maraming salamat po sa PESO bilang ating katuwang sa layunin na punan ang libu-libong bakanteng posisyon at magbigay ng kabuhayan sa ating mga kababayan,” sabi ng alkalde.

“Natutuwa po ako na maraming mga Batang Kankaloo ang hired on the spot. Congratulations po sa inyo,” dagdag pa nito.

Nangako si Malapitan na manatiling nakatuon sa kanyang layunin na tumulong sa pagbibigay ng disente at komportableng buhay para sa kanyang mga nasasakupan sa pamamagitan ng paglikha ng mas maraming programa tulad ng job fair.

“Abangan po ninyo ang iba pa nating nakalatag na proyekto. Bahagi po ng aking pangako noong kampanya na mabigyan ng trabaho at kabuhayan ang ating mga kababayan kaya makakaasa po kayo na tuluy-tuloy ang aksyon at malasakit ng aking administrasyon para lungsod,” ayon pa sa alkalde.

Nabatid na ang mega job fair ng lungsod ay nalagpasan ang target ng Department of Labor and Employment (DOLE) na 30 porsiyentong tagumpay, kung saan 34.6 porsiyento ng mahigit 1,500 na lumahok ay agad na may trabaho.

Leave a comment