2 pulis-Albay patay sa shootout

MALUNGKOT na balita ito para sa mga naulila ng dalawang pulis-Albay na napatay sa isang shootout noong Linggo (June 9, 2023) sa Bgy. Ilaor Sur, Oas, Albay.

Kinilala ang mga napatay na pulis na sina Police Master Sergeant Joseph Ostonal, 43-anyos, may-asawa, ng Mayon Vista Subdivision, Ligao City; at Police Corporal Jeffrey Refereza, 35-anyos, may-asawa, ng Libon, Albay.

Sila ay kapwa miyembro ng Oas Municipal Police Station.

Nearesto naman sa follow up operation ang mga suspek na sina Richard Bonaobra, 35-anyos at Fernan Jardinel, 37-anyos, mga AWOL na miyembro ng 65th Infantry Battalion, 9th ID ng Philippine Army.

Kapwa sila residente ng Bgy. Santiago Old, Nabua, Camarines Sur at nakuha sa kanila ang isang kalibre .45 baril at dalawang motorsiklo na ginamit sa krimen.

Sa spot report na ipinadala kay Police Col. Fernando Cunanan, acting provincial director ng Albay Police Provincial Office, naganap ang insidente dakong alas-11:49 ng gabi.

Nagpapatrolya umano ang mga biktima sa naturang lugar nang bigla na lang silang paputukan ng mga suspek.

Tinangka pang isugod sa Josefina Belmonte Duran District Hospital ang mga pulis, ngunit idineklara silang dead on arrival ng attending physician na si Dr. Joseph Ralph Barrameda.

Isinusulat ito’y wala pang malinaw na detalye ang motibo ng pamamaslang.

Kung matatandaan, may ilang beses na nating naisulat ang Albay PNP — hindi para sirain ang imahe ng naturang kapulisan kundi para pukawin ang atensiyon ng mga namamahala rito.

Lalo na kay Albay Gov. Edcel Greco Lagman at siyempre kay Police Regional Office (PRO) 5 chief Brig. Gen. Westrimundo Obinque na alam kong bukas lagi ang kanilang tanggapan patungkol sa reklamo ng kanilang mga kababayan.

Partikular sa sumbong na bumabalot ngayon ay ang garapalang pag-e-escort umano ng ilang pulis-Albay sa sindikato ng Small Town Lottery (STL) at sa illegal quarry.

Ang alam ko, naglabas na ng order ang Camp Crame para palitan si Col. Cunanan ni Col. Franciso Lucena, pero mukhang nagkaroon ng ‘laban o bawi’ są nasabing kautusan.

Gusto kong linawin na wala tayong masamang intensiyon laban kay Col. Cunanan.

Nais ko lang malaman kung bakit ba may ilang pulis-Albay ang nag-e-escort sa bookies ng STL at illegal quarry?

Trabaho ba ito ng pulis?

Baka po gusto ninyong magbigay ng komento, reaksiyon o tugon ng sinumang opisyal, nakahanda po tayong isulat ito rito alang-alang na rin sa prinsipyo ng malayang pamamahayag.

Samantala, habang nagaganap daw ang isang shootout noong nagdaang Linggo ay isang mataas na opisyal ng Albay PNP ang nakikipag-inuman daw sa mga illegal quarry operators.

Sino kaya iyon, Gov. Lagman at Gen. Obinque?

Kasama raw sa inumang iyon ang isang alyas Dante na kamag-anak naman ng isang mataas na opisyal sa Kapitolyo.

Sana mali ang ganitong uri ng sumbong!

Period.

****


Para sa anumang reaksyon, suhestiyon at sumbong, tumawag o mag-text sa cell phone no. 09157412674.

Leave a comment