P250K kada ulo ng Chinese nationals ibinulgar

Ni NOEL ABUEL
Nakatakdang ipatawag ng Senado ang mga opisyales ng Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (ACG-PNP) kaugnay ng mga anomalya sa ginawang pagsalakay sa isang Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) sa Las Piñas City noong Hunyo 27 taong kasalukuyan.
Sa pulong balitaan sa Senado, sinabi ni Senador Raffy Tulfo na nais nitong kumpirmahin ang mga nakarating sa sumbong sa opisina nito na may nangyaring iregularidad sa nasabing pagsalakay ng ACG-PNP sa POGO hub kung saan sinasabing malaking halaga aniya ang umiikot ngayon.
“Ayon sa impormasyon ko mula sa Camp Crame, P250K ang bayad sa bawat Chinese national at P50,000 naman sa mga Vietnamese national ang ibinabayad ng kanilang mga embahada para makalaya,” sabi ni Tulfo.
Idinagdag pa ng senador na maaaring iba pa ang nangyayaring lagayan dahil sa depende ito kung ano ang estado ng isang dayuhan sa POGO.
Maliban dito, sinabi ni Tulfo na kuwestiyunable ang nasabing operasyon ng ACG dahil sa walang ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Bureau of Immigration (BI), ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Department of Foreign Affairs (DFA) at iba pang ahensya ng pamahalaan.
“Ginagawa lamang nilang gatasan, ginagawang lokohan at moro-moro itong ginawang operation ng mga awtoridad. In my humble opinion, kaya walang pang nakakasuhan ay nagkakaroon ng tawaran kung magkano tutubusin ‘yung mga naka-hold na mga foreign nationals. Marami na ang yumaman,” sabi ni Tulfo.
Aniya, posibleng malagay sa alanganin ang bansa kung totoo ang sinasabing lagayan, kung saan maaaring ibalita ng kanilang mga embahada na kaya nakalaya ang mga kababayan ng mga ito ay dahil sa nakapagbigay ng lagay sa mga awtoridad.
“Pinagtatawanan tayo ng ibang bansa. Nakakarating ito sa ibang bansa. Pag-uwi ng kanilang mga taga-embahada itsitismis ‘yan na nadaan sa lagayan ‘yung mga awtoridad na nag-imbestiga. Nagbigay kami ng US$1.5M o US$50 pinakawalan ‘yung mga citizens naming,” sabi pa ng senador.
Ipinagtataka rin ni Tulfo kung bakit mas inunang tawagan umano ng ACG ang mga embahada sa halip na ang PAGCOR, BI, at DOLE.
“Maraming taga-embahada ang naroon sa site, nauna pa nilang tawagan ang embahada, kesa PAGCOR, BI, DOLE para tumulong sa pagproseso. Kasi doon sa embassy may pambayad at paglagay,” aniya pa.
Nagtataka rin si Tulfo kung bakit hanggang ngayon ay wala pang nakakasuhang operator ng nasabing POGO na Xinchuang Network Technology Inc. na sina Dianica Mensa, president; Oliver Ong, corporate secretary; Divina Vidal, secretary at iba pa.
“I asked the ACG kung nakasuhan na sila, sabi hindi pa. Kaya nagtataka ako kung bakit? Naghihintay ng lagay? 13 days na wala pang nangyayaring deportation,” sabi pa ni Tulfo.
Hindi rin inaalis ni Tulfo na may mga Pinoy na dapat ay imbestigahan dahil sa posibilidad na sangkot din ito sa operasyon ng POGO.
“May mga Pinoy ba na nakasuhan? Merong mga instigator, sila ang nagpo-post sa Facebook, sila ang nang-aakit para magtrabaho sa POGO. Hindi naman maaari ang mga Vietnamese o Taiwanese,” sabi pa ng senador.
Magugunitang isinagawa ng ACG ang operasyon sa 7 building na inookupa ng POGO sa Las Piñas kung saan nasa 2,740 dayuhan at Filipino ang sinasabing nasagip.
Subalit lumabas sa ilang ulat na sa halip na rescue operation, may nangyaring pag-aabuso at pananakit ng ilang pulis sa mga dayuhan at pagbubukas umano ng mga vault at ng armored van.
