
Ni NERIO AGUAS
Dumepensa ang Bureau of Immigration (BI) sa viral social media post kaugnay ng pahayag ng isang babae na hiningan ng 10 birth certificates ng isang immigration officer bago makalabas ng bansa.
Sa inilabas na kalatas ng BI, bagama’t hindi pa natatanggap ang kumpletong ulat at imbestigasyon sa nasabing ulat, base sa inisyal na imbestigasyon ay maraming nakitang red flag sa hindi pinangalanang pasahero kung kaya’t hindi ito pinayagang makaalis ng bansa.
Nabatid na noong nakaraang buwan nang tangkaing umalis ng bansa ng nasabing pasahero patungong Taiwan para bumisita sa isang malayong kaanak.
Subalit base sa pagtatanong ng immigration officer, nakita ang posibilidad na magtatrabaho ito sa bansang Taiwan at hindi rin umano napatunayan ng pasahero na may kaugnayan ito sa sinasabing sponsor.
May mga inconsistency rin umano sa mga pahayag ng pasahero hinggil sa kanyang sponsor at ang 14-araw na biyahe nito ay hindi naipaliwag nang maayos.
Payo pa ng BI sa mga Filipino na bibiyahe sa ibang bansa na tiyakin na maayos ang lahat ng dokumento ng mga ito tulad ng working documents kung magtatrabaho sa ibang bansa.
Ayon pa sa BI, base sa itinatakda ng Department of Justice (DOJ) ang mga pasahero ng may kaanak sa ibang bansa ay dapat na nasa fourth civil degree lamang.
“Travelers need not worry as long as they have the appropriate documents that match their actual purpose of travel. So many travelers are coming in and out of the country with no issues. Only those with conflicting documentation are subjected to further inspection,” ayon pa sa BI.
