
NI NERIO AGUAS
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) ang limang Filipino na biktima ng human trafficking na nagtangkang lumusot sa nasabing paliparan.
Ayon sa BI, Hulyo 8 ng kasalukuyang taon nang masabat ang limang biktima bago pa makasakay ng Philippine Airlines flight patungong Thailand.
Nabatid na nagkunwang mga turista ang mga biktima subalit nagduda ang mga tauhan ng BI dahil sa magkakaiba ang pahayag ng mga ito sa tunay na pagbiyahe ng mga ito kung kaya’t isinailalim sa pag-uusisa.
Nang tanungin ay sinabi ng mga biktima na magbabakasyon ang mga ito sa Thailand at isa sa mga ito ay may kaanak umano sa nasabing bansa.
Sa imbestigasyon ay nakumpirmang patungo ang mga biktima sa United Arab Emirates (UAE) dahilan upang pinigilan ang mga itong makaalis ng bansa.
Sinasabing ginagamit ng mga human trafficking syndicate ang isang bansa bago magtungo sa pinal na destinasyon ng mga ito para magtrabaho.
Agad na dinala sa MCIA Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga biktima para tulungan na maghain ng kaso laban sa kanilang recruiter.
“This is a recurring scheme that uses visa-free countries as a jump-off point to other destinations. We urge aspiring overseas workers not to accept such offers and report attempts of illegal recruitment to local authorities,” ayon sa BI.
