Comelec pinuri sa pagpapahalaga sa mga OFWs

Internet voting sa 2025 midterm elections posible na

Si OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino habang nagbibigay ng pahayag sa posibilidad na makaboto na ang mga OFWs sa pamamagitan ng internet voting sa 2025 elections.

Ni NOEL ABUEL

Nagpasalamat si OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino sa pagpupursige ng Commission on Election (Comelec) na bigyan halaga ang karapatan ng mga itinuturing na buhay na bayani sa pagboto.

“Nagpapasalamat tayo sa pagpupursige ng Comelec sa adhikaing ito dahil mahalaga sa ating mga OFWs na makalahok sa electoral process at makaboto via internet voting, lalo na para sa mga sea-based OFWs. Ngayong araw ay nakita na natin ang konkretong plano ng technology providers at ang malaking posibilidad na ito’y maisagawa sa 2025 elections. We’re finally stepping into the future of democracy!” masayang pahayag ni Magsino.

Una nito, lumahok ang OFW party list sa internet voting demonstration na inorganisa ng Comelec para sa darating na 2025 midterm elections.

Ang okasyon ay naaayon sa ibinahaging adbokasiya ng OFW party list at Comelec na gawing mas madali at madaling maabot ang pagboto para sa mga botante sa ibang bansa, partikular na ang mga overseas Filipino workers (OFWs).

Sa demonstrasyon, walong technology providers mula sa iba’t ibang bansa ang nagharap ng kanilang mga panukala sa mga opisyal ng Comelec, sa pangunguna ni Chairperson George Erwin Garcia at Commissioner Marlon Casquejo na namumuno sa Office for Overseas Voting ng komisyon.

Ang mga kumpanya ay ang Miru, Smartmatic, Dermalog, Indra, E-Corp, Tambuli Labs, Voatz, at Thales kung saan iniharap ng mga ito ang kanilang mga proseso mula sa pag-log in, pagboto, pag-encrypt, at data transfer.

Ang mga alalahanin sa seguridad at pagpapatunay ay tinugunan din ng mga providers pati na rin ang pinakamahuhusay na gawain mula sa mga bansang nagpatupad na ng internet voting partikular sa Estonia.

Ang OFW party list at iba pang panelists ay naglabas din ng mga katanungan sa paglilinaw sa pagsasama ng online registration at canvassing ng mga boto, ang halaga ng buong proyekto, at madaling maunawaan na end-user communication.

“We take pride in being part of this groundbreaking initiative, which reflects our shared vision with Comelec. Problema ng mga OFW ang pagrerehistro at pagboto tuwing eleksyon dahil sa limitasyon sa kanilang lugar ng trabaho o sa schedule ng trabaho. Kaya’t lubos nating ikinatutuwa ang major development sa ating adbokasiya na internet o electronic voting,” pahayag pa ni Magsino.

Ang pagsulong ng internet voting, kabilang ang online registration ng mga bagong botante, sa demonstrasyon ng technology providers, ay umaakma sa House Bill 6770 na kilala rin bilang ‘Overseas Absentee Voting Act of 2003’, na sinususugan ng Republic Act No. 10590, o mas kilala bilang ‘Overseas Voting Act of 2013’, na inihain ni Magsino.

Ang counterpart measure sa Senado ay inakda naman ni Senador Francis Tolentino.

Leave a comment