P40.00 minimum wage hike tuloy ang pagpapatupad sa Hulyo 16– NWPC

Ni NERIO AGUAS

Wala nang makakapigil pa sa pagpapatupad ng P40.00 minimum wage hike sa National Capital Region (NCR) kahit may nakahaing apela na itigil ito.

Ito ang sinabi ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) kung saan epektibo sa darating na Hulyo 16, 2023 ay ipatutupad na ang bagong minimum wage sa NCR.

Ang Wage Order No. NCR-24, na inilathala noong Hunyo 30, 2023 at magkakabisa pagkalipas ng 15 araw, ay nagbibigay ng P40 sa NCR mula P570 ay magiging P610 at para sa non-agriculture sector ay mula P533 ay magiging P573 para sa agriculture sector, service, at retail establishments na nag-eempleyo ng 15 manggagawa o mas kaunting manggagawa, at mga manufacturing establishments na regular na may manggagawa na mas mababa sa 10.

Inaasahang ipatutupad ng mga employers sa NCR ang bagong arawang minimum na sahod sa nasabing petsa sa kabila ng apela na inihain ng isang koalisyon ng mga organisasyong manggagawa.

Ang apela sa Wage Order No. NCR-24 ay magkatuwang na inihain noong Hulyo 3, 2023 ng Alliance of Nationalist and Genuine Labor Organization, Labor Alliance for National Development, Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon at Serbisyo, Pinagkaisang Lakas ng Manggagawa ng Manila Bay at kanilang mga kaalyadong organisasyon sa paggawa.

Binanggit ng mga petioners ang inflation at ang tumataas na presyo ng mga pangunahing serbisyo at mga bilihin na dapat umabot sa P1,161 ang dapat na wage hike.

Sinabi ng NWPC na ang apela ay bahagi ng proseso ng pagtukoy sa minimum na sahod at dapat aksyunan kaagad.

Batay sa umiiral na mga panuntunan, dapat lutasin ng NWPC ang apela sa loob ng 60 calendar days mula sa petsa ng paghahain ng apela.

Alinsunod sa NWPC Guidelines No. 03, Series of 2022, o ang Omnibus Rules on Minimum Wage Determination, ang isang wage order ay maaaring iapela sa “ground of grave abuse of discretion on the part of the Board for commiting a serious error in the application, of law, at hindi pagsunod sa mga itinakdang patnubay at/o mga pamamaraan.”

May inihain ding petisyon para sa pagtaas ng minimum na sahod ang mga manggagawa sa Rehiyon III, IV-A, V, VI, at VII.

Kasalukuyang tinatalakay ng RTWPBs sa Central Luzon, Calabarzon at Western Visayas ang merito ng mga petisyon.

Samantala, nakatakdang magsagawa ng mga pampublikong pagdinig ang RTWPB sa Central Visayas sa Hulyo at Agosto 2023.

Leave a comment