“POGO corrupts the system” – solon

Ni NOEL ABUEL

Ito ang sinabi ni Senador Win Gatchalian kasabay ng pagsasabing wala talagang idudulot na mabuti ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Sa Kapihan sa Senado, sinabi ni Gatchalian na kino-corrupt ng POGO ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), local government units (LGUs), Bureau of Immigration (BI), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at iba pang ahensya ng pamahalaan.

“’Yung pagpasok pa lang dito. For example, Bureau of Immigration, alam naman natin na nagkakaroon ng problema sa Bureau of Immigration, kung matatandaan natin ‘yung pastillas scam, human trafficking incident ‘yan. Tingin ko pagpasok pa lang meron nang corruption diyan,” sabi nito.

Idinagdag pa ni Gatchalian na maging ang PAGCOR ay may kapabayaan sa trabaho kung kaya’t namamagpag ang mga illegal alien na empleyado ng POGO.

“Doon sa Clark na nangyari, kaya nakakagalit din dahil ang disclosure ng PAGCOR, weeks silang nag-i-inspect sa Clark, galing sa kanila ‘yan, hindi galing sa akin pero nakalusot pa rin ang 1,300 na human trafficked victims. ‘Yung sa Las Piñas, part ito ng tinatawag nilang POGO hub na supposed to be twice a week din nilang ini-inspect pero nakalusot pa rin lagpas 2,700,” giit nito.

“So magtataka ka bakit ang daming inspeksyon may Bureau of Immigration, may pulis na nang-raid pero ganyan pa rin. So ang isa sa nakita ko dito sinuman ang nagpapatakbo sa likod nito marunong din na maglagay, i-corrupt ang system. Of course ito based on my analysis kaya nakakalusot. Tuluy-tuloy ang aming fact finding sa pagkuha ng information but based on my analysis sa mga nakikita ko, POGO corrupts the system kaya maraming palusot ang nangyayari,” paliwanag pa ni Gatchalian.

Sa huli, umaasa ang senador kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maglalabas ito ng desisyon na tuluyan nang alisin ang operasyon ng POGO sa buong bansa.

“Kahit walang committee report iba-ban ang POGO eh. So two-prong approach so pinadala ko ang report sa Malakanyang para mabasa ng kanilang mga analyst doon at gumawa ng desisyon. So ang punto ko rito kahit na walang committee report, the Malacañang can ban this tomorrow,” sabi nito.

Sinabi pa ni Gatchalian na nababahala ito sa patuloy na nangyayaring pagdukot sa mga empleyado ng POGO kung saan sa kasalukuyan ay hindi lang mga Chinese ang dinudukot kung hindi maging mga Filipino-Chinese.

“Ang aking worry nag-uumpisa na itong kumalat sa locals, nu’ng una makikita natin ang kidnapping, ang report dati ng mga pulis, matatandaan ko ang kidnapping, one POGO worker to another POGO worker, ‘yun ang kidnapping. Sila-sila nagkikidnapan pero nakita natin ngayon ang human trafficking hindi na, mga foreigners, Filipino na ang nata-traffick at ang naki-kidnap, hindi na foreign workers, mga Fil-Chi na ang nakikidnap. Doon sa nakikitang kong video at news report, marunong magtagalog ang nakidnap ‘yung pinutulan ng daliri, so it goes to show na local ‘yung mga nakikidnap na. At meron ding isinubmit sa amin na report diyan but obviously under investigation pa,” pahayag pa ng senador.

Leave a comment