
Ni NOEL ABUEL
Suportado ni Senador Grace Poe ang desisyon ng Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) na walang masama sa pelikulang “Barbie” kung kaya’t hindi dapat ito i-ban.
Sa Kapihan sa Senado, sinabi ni Poe na bagama’t naiintindihan nito ang sentimiyento ng ilang tao pagdating sa usapin ng West Philippine Sea (WPS) ay dapat na tingnan muna ang isang pelikula at pag-aralang mabuti kung nilalabag nito ang karapatan ng Pilipinas sa pinagtatalunang isla.
“Naiintindinhan natin ang sentimiyento ng ating mga kababayan pagdating sa West Philippine Sea. Tama naman iyon. Dapat mapagmasid tayo huwag nating payagan ang propaganda ng iba na makalusot,” sabi ni Poe.
“Pero pagdating sa “Barbie”, ang usapin na ito ay importante, dahil may isang banda ng freedom of expression at sa isa naman ay national sovereignty. Naiintindihan ko kung bakit natin pinag-uusapan ito. Pero nu’ng ni-review ko ‘yung litrato, parang drawing ng bata,” sabi pa nito.
Aniya ang dash line na ipinakita sa nasabing pelikula ay nagpapakita ng biyahe ni Barbie at walang kinalaman ang 9-dash line ng China.
“Hindi nga nakalagay ang pangalan ng Pilipinas diyan. Indonesia, Malaysia, Vietnam wala naman dito maski China wala. Di ba fiction ‘yan. Ang mga dash lines diyan pag binilang mo hindi 9 nasa 20 dahil ‘yan ay lakbay ni Barbie,” paliwanag pa ng senador.
“Siguro bago tayo maglabas ng statement kailangan munang i-review ang mga materials entirely,” dagdag nito.
Pinuri rin ni Poe, na dati ring naging chairman ng MTRCB, si MTRB chairman Lalal Sotto dahil sa kinuha rin nito ang opinyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng Office of Solicitor General (OSG) sa nasabing usapin.
“The MTRCB chairman took one step further and consult DFA, OSG and the DFA said wala silang nakikitang violation. DFA na ang nagsabi, nagpadala sila ng sulat sa MTRCB officials stating that they see no violation however they said based on the sentiments of others baka pwedeng i-blur na lang iyon. Kalokohan iyon, paano mo ibu-blur eh wala ngang mali. Parang sinasabi natin sa Warner Brothers na i-blur ninyo ‘yan kahit walang violation. For me that is censorship and that’s wrong,” paliwanag pa nito.
“Pakiusap ko na lang din, if this is Geopolitical issue, so other producers be very mindful of that kasi nga meron tayong Arbitral Ruling in a our favor,” aniya pa.
