
NI NOEL ABUEL
Mariing kinondena ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang kumalat na video sa social media kung saan nagpapakita na binabastos ng mga tao sa isang club ang pananampalatayang Kristiyano at ang dasal na “Ama Namin” o ang “The Lord’s Prayer.”
Ayon kay Zubiri, kinokondena nito ang ang napaka-blasphemous na video na kumakalat sa social media na hindi katangga-tanggap para mga mananampalataya at ang unang naging reaksyon nito sa video ay matinding pagkadismaya at galit.
“Naniniwala ako na ito na marahil ang pinakamalalang pag-abuso sa ating freedom of expression dahil habang pinapanood natin ang video, hindi ba’t parang krimen na ang ating nasasaksihan? Sobra ang pambabastos sa ating mga kapatid na Kristiyano at lubos ang paglapastangan sa pananampalataya ng milyun-milyong Pilipino,” giit pa ng lider ng Senado.
Aniya, sa pangyayari nito ay maaaring sampahan ng kaso sa ilalim ng Article 201 ng Revised Penal Code si Filipino drag queen Pura Luka Vega dahil sa masamang pagpapakita ng pambabastos sa paniniwala ng mga Kristiyano.
“Sa insidenteng ito, maaari magsampa ng reklamo sa ilalim ng Article 201 ng Revised Penal Code, na naglalayong parusahan ang mga taong makaka-offend sa kahit anong lahi o relihiyon sa pagpapalabas ng malalaswa o mahalay na play, eksena, o palabas sa entablado, fairs o iba pang lugar,” sabi ni Zubiri.
“Hinihikayat natin ang ating otoridad na masusi itong pag-aralan. Ganoon pa man, ang nangyari ay dapat na kondenahin hindi lamang ng mga Kristiyano kundi ng lahat ng mamamayan anuman ang kanilang relihiyon dahil hindi dapat nilalapastangan ang kanilang pananampalataya para lamang sa pansariling interes o para pagtawanan,” giit pa nito.
Sinabi pa ni Zubiri na para sa bilyun-bilyong Kristiyano, ang “The Lord’s Prayer” ay isa sa pinakasagradong dasal sa Holy Eucharist, at ang maling paggamit nito ay maituturing na napaka-insensitibo, lalo na sa loob ng isang comedy bar.
“Kaya naman hinahanap natin ang pinagmulan ng video at anumang impormasyon tungkol sa lugar kung saan ito nangyari. Pinag-aaralan din natin ang mga posibleng paglabag sa batas na nangyari sa lugar na ito,” aniya pa.
