Pag-uulan patuloy na mararanasan

NI MJ SULLIVAN
Asahan na ang mahihina hanggang sa malakas na pag-ulan sa buong Metro Manila kasama na ang Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon (Calabarzon), Aurora, Isabela at lalawigan ng Cagayan.
Ayon sa inilabas na weather advisory no. 2 ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ngayong buong araw ay magpapatuloy ang pag-ulan sa nasabing mga lugar kung kaya’t pinag-iingat sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.
Alas-10:00 ngayong umaga, nakita ang Low Pressure Area na nasa 160 km silangan hilagang-silangan ng Infanta, Quezon at malaki ang posibilidad na maging tropical depression o bagyo sa loob ng 48-oras.
Paiigtingin ng LPA and Southwest Monsoon na magdudulot ng mga pag-ulan sa loob ng tatlong araw.
Samantala, bukas ng umaga, Hulyo 14, ay asahan din ang mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region (CAR), Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, Western Visayas at hilagang bahagi ng Palawan at Ilocos Region.
At sa araw ng Sabado, Hulyo 15, uulanin din ang Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, Western Visayas, at nalalabing bahagi ng Palawan at Ilocos Region.
“Under these conditions, flooding and rain-induced landslides are possible, especially in areas that are highly or very highly susceptible to these hazard as identified in hazard maps and in localities that experienced considerable amounts of rainfall for the past several days,” sabi pa ng PAGASA.
Pinapayuhan ng weather bureau ang publiko at ang disaster risk reduction and management offices na gumawa ng kaukulang paghahanda dahil sa LPA.
