
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian na posibleng may paglabag sa Konstitusyon sa shareholder agreement ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Ayon sa senador, ang isang kasunduan ng mga shareholder ng NGCP na pumipigil sa majority shareholders na magtipon, magpulong, at gumawa ng mga emergency decision maliban kung ang minority shareholders ay naroroon ay isang maaaring paglabag sa Konstitusyon.
Maliwanag aniya ang batas na naglilimita sa mga dayuhan ng hanggang 40% na pagmamay-ari sa isang kumpanya sa bansa at naglalayong pangalagaan ang interes ng mga Pilipino.
Sa kaso ng NGCP, sinabi ni Gatchalian na may 60% na majority stake ang mga Pilipino na miyembro ng board samantalang 40% ang interes sa kumpanya ng State Grid Corporation of China (SGCC).
Pero kung pagbabasehan ang internal agreement ng NGCP board, lumalabas na hindi maaaring magtipon, magpulong, at magsagawa ng desisyon ang board kung wala ang minority stakeholders na mga Chinese.
Mangyayari lamang umsnl ito pagkatapos magpulong at mag-adjourn ng dalawang beses ang board.
“Tila tinatali ng probisyong ito ang mga kamay ng Filipino shareholders. Ang mga Pilipino sa board ay dapat palaging nasa kontrol at pamamahala ng operasyon ng kumpanya. Napakalinaw ng Konstitusyon na 60 porsiyento ng kapital ng mga pampublikong utilities ay dapat pag-aari ng mga Pilipino. Ang istraktura ng pagmamay-ari na ito ay nagpapahintulot sa mga Pilipino, at hindi sa mga dayuhan, na gumawa ng mga desisyon sa direksyon, pamamahala, at pagpapatakbo ng isang mahalagang negosyo, base na rin sa Article 12, Section 11 ng Konstitusyon,” sabi ni Gatchalian.
“Paano makakagawa ng desisyon ang mga Pilipino kung hindi sila makakapagpulong?” tanong ni Gatchalian sa nagdaang pagdinig sa Senado.
“Ang probisyong ito sa batas ay isang napakahalagang safeguard para sa mga Pilipino ngunit sa nangyayari, para na rin nating ibinebenta ang mga sarili natin sa demonyo kung wala ang safeguard na ito. Kailangan nating pag-aralan ang isyu na ito dahil ang sinasabing internal agreement ng NGCP board ay isang pag-iwas sa nasabing constitutional requirement,” aniya pa.
Sinabi pa ng senador na ang kasunduan ay nangangahulugan na ang mga Filipino majority shareholders ay hindi makakagawa ng desisyon, lalo na kapag may emergency decisions o mga bagay na may kinalaman sa pambansang seguridad.
Sa pagdinig ng Senate committee on energy, sinabi ni NGCP Assistant Corporate Secretary Atty. Dylan Concepcion, na ang naturang internal agreement ay sinusuportahan ng desisyon ng Korte Suprema na sumasaklaw sa mga public utility companies.
Gayunpaman, bigo si Concepcion sampu ng kanyang mga kasamahan sa NGCP na magbigay ng katibayan pagkatapos itong tanungin ni Gatchalian sa pagdinig.
Binigyan-diin ng Senate vice chairperson ng Energy Committee na ang probisyon ng konstitusyon na ang pagmamay-ari ng Pilipino ng isang utility company na hindi bababa sa 60% ay nilayon upang matiyak na mapapanatili at maprotektahan ang interes ng publiko at pambansang seguridad.
