
Ni NOEL ABUEL
Muling nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa Department of Health (DOH) at sa Department of Budget and Management (DBM) na pabilisin ang pagpapalabas ng COVID-19 allowance para sa mga healthcare workers na nasa harap pa rin ng labanan laban sa pandemya.
Paliwanag ni Go, chairman ng Senate Committee on Health, ang dedikasyon at sakripisyo ng mga healthcare workers, ay nararapat na mabigyan ng kanilang mga karapat-dapat na benepisyobalinsunod sa batas.
“Sa ngayon po, hindi pa naman po officially lifted ang declaration of state of public health emergency. Habang nandyan po ito, kung anuman po ang allocated natin sa ilalim ng national budget katulad nu’ng 2023, bilang chairman po ng Committee on Health at Vice Chairman po ng Committee on Finance, mayroon po tayong na-allocate na P19.962 billion allocated sa public health emergency benefits and allowances for healthcare and non-healthcare workers under the national budget 2023. Mayroon pong P52.962 billion na unprogrammed po, pwede pong gamitin ito ng ating gobyerno na ibayad sa ating mga health workers, nasa batas naman po ito,” paliwanag ni Go.
Binigyan-diin ni Go na kahit na maalis ang State of Public Health Emergency dahil sa COVID-19, dapat tiyakin ng gobyerno na ang mga allowance ng mga healthcare worker ay ibigay sa kanila dahil ang pondo ay inilaan sa inilaan ngayong taon.
“Kaya umaapela po ako sa ating DBM, sa DOH, bilisan po ang pagbibigay ng allowances sa kanila dahil napakaliit po ito na halaga sa sakripisyo at buhay na ibinigay ng mga health workers. Dapat po ibigay sa kanila,” ayon pa dito.
Ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa, ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang kanyang intensyon na alisin ang state of public health emergency kaugnay ng COVID-19 at hihintay na lamang ang pormal na kautusan hinggil sa desisyong ito.
Nababahala ang senador na kung dumating ang desisyon na alisin ang state of public health emergency, mangangahulugan din ito ng paghinto ng special allowance na ibinibigay sa mga healthcare workers na nag-aalaga ng mga COVID-19 patients.
“Ngunit kapag na-lift po ito kaya nga sabi ko sana naman po ay pag-aralan nang mabuti dahil para sa akin habang nandyan pa si COVID-19, delikado pa rin po ang panahon,” sabi ni Go
“Ngunit kailangan po nating mag-adjust, maaaring pinag-aaralan po ito ng ating Department of Health officials, ng ating Executive, ito pong lifting ng public health emergency. Sa ngayon, para sa akin, dapat po manatili muna dahil habang nandiyan si COVID at para po makatulong pa sa ating mga health workers, mabigyan sila ng allowance,” dagdag nito.
