
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go na dapat managot ang Northern Davao Electric Cooperative (NORDECO) dahil sa kapalpakan nito sa gitna ng patuloy na pagkawala ng kuryente sa Davao del Norte.
Binigyan-diin ni Go na dapat hanapan ng solusyon sa pagkawala ng suplay ng kuryente sa Davao del Norte at papanagutin dahil sa kabiguang nitong matupad ang pangako noong Hunyo 30 na masosolusyunan na ang problema sa brownout
“Kumusta na po ‘yung ipinangako ninyo na ma-resolve ninyo ito by June 30. Pakiusap lang, kawawa po ang tao na willing naman magbayad ng tama pero kawawa po, hindi maayos ang serbisyo na naibibigay ninyo sa kanila,” aniya.
Bilang tugon, isang kinatawan mula sa NORDECO ang nagpaabot ng kanilang paghingi ng paumanhin para sa mga pagkaantala. Ipinaliwanag nila na ang unscheduled interruption noong Hunyo 13 ay resulta ng isyu sa Mindanao grid, na nakaapekto sa 400-megawatt supply ng kuryente.
Nilinaw riin nito na walang rotational brownout sa Island Garden City of Samal simula noong Hunyo 5, dahil sa karagdagang kapasidad na naka-install at kasalukuyang reserbang 2.6 megawatts.
Gayunpaman sinabi ni Go na noong Hunyo 2, 3, 12, 21, 23, at 25 ay nagkaroon ng brownout.
Hiniling nito ang isang paliwanag na tumutugon hindi lamang sa insidente sa kanyang pagbisita sa Tagum City kundi pati na rin sa publiko, na sumasaklaw sa lahat ng mga munisipalidad sa ilalim ng NORDECO, kabilang ang mga lugar sa mainland Davao del Norte.
“Ang importante po, explanation sa publiko, hindi lang diyan sa Samal, kundi sa lahat po ng munisipyo na inyong kinakatawan, kasama na rin ang iba diyan sa (mainland) Davao del Norte. Interesado po kaming malaman kung naresolba ninyo na ang inyong ipinangako na maayos ito bago June 30,” sabi ni Go.
