2 Pinay na biktima ng illegal recruiter nasagip

Ni NERIO AGUAS

Naharang ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Pinay at isang recruiter matapos na tangkaing lumusot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 patungong Thailand at Cambodia.

Ayon sa BI, pinigilang makaalis ng 29-anyos na biktima na itinago sa pangalanang Lynne dahil sa hinalang biktima ito ng human trafficking.

Nabatid na nang dumaan sa immigration counter ang biktima ay nagsabing magbabakasyon ito kasama ang kaibigan nitong si Che, matapos na magtrabaho sa bansang Taiwan bilang factory worker.

Gayunpaman, napansin ng mga BI personnel na maraming hindi pagkakapare-pareho sa kanyang mga pahayag at mga dokumento.

Nang maglaon ay napag-alaman na ito ay na-recruit para magtrabaho sa isang kumpanyang Tsino na nakabase sa Thailand.

Idinagdag pa ng BI na hinihinala nila na si “Che” ang nag-facilitate sa recruitment ng biktima at nagbigay ng pekeng dokumento upang nagkunwang lehitimong turista ang biktima.

Sa imbestigasyon, natuklasan na si“Che” ay nagtatrabaho bilang recruitment assistant sa isang manpower agency sa bansa at makailang beses nang pabalik-balil sa Thailand.

“We are now looking into alias Che’s records to see if she has facilitated the travel of other workers in the past,” sabi ng BI.

Samantala, isa pang kahalintulad na insidente ang naitala nang isa pang biktima ng human trafficking ang naharang bago pa makasakay
sa Philippine Airlines flight patungong Ho Chi Minh, Vietnam.

Sinabi ng biktima na itinago sa pangalanang “Issa”, na magbibiyahe ito bilang turista at inimbitahan umano ng kaibigang Vietnamese.

Subalit base sa ipinadalang impormasyon ng Department of Migrant Workers (DMW), ay patungo sa bansang Cambodia ang biktima matapos ma-recruit.

“We suspect they might have been recruited for a catphishing syndicate, similar to those previously intercepted and repatriated,” ayon sa BI.

Kapwa nasa kamay ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang kaso ng mga biktima habang inihahanda ang kaso laban sa kanilang recruiters.

Leave a comment