
Ni NERIO AGUAS
Tatlong indibiduwal na nagpakilalang empleyado ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa kahina-hinalang tunay na dahilan ng paglabas ng bansa.
Sa ulat ng BI’s travel control and enforcement unit, ang tatlong kababaihang Pinay ay nagpakilalang tauhan ng BFAR at nagsabing magbabakasyon sa Jeju Island, South Korea.
Sa hawak na flight details ng mga ito ay patungo sana sa Sokor ang mga biktima sakay ng Scoot airlines flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Nabatid na nang dumaan sa primary immigration inspection ay nagpakita ang mga ito ng travel authorities mula sa BFAR.
Gayunpaman, ang tatlo ay nagbigay ng hindi magkakatugmang pahayag tungkol sa kanilang trabaho na nag-udyok sa mga opisyal ng BI na higit pang i-verify ang kanilang mga dokumento.
Sa huli ay inamin ng tatlo na hindi sila empleyado ng nasabing ahensya ng pamahalaan at ang dala ng mga itong dokumento ay nakuha sa
isang tindahan sa Quiapo, Manila.
Sa imbestigasyon, natuklasan na nagbayad ang mga ito ng P150,000 sa kontrata mula sa nakilala sa Facebook na nagproseso ng kanilang papeles.
Hinala ng BI na ang tatlong indibiduwal ay biktima ng human trafficking at illegal recruitment.
Ang kaso ng mga biktima ay dinala na sa Inter-Agency Council Against Trafficking para sa kaukulang imbestigasyon.
