Daang Cebuano nakatanggap ng tulong at kapital

Senador Alan Peter Cayetano

Ni NOEL ABUEL

Aabot sa mahigit 1,000 indibiduwal mula sa lalawigan ng Cebu ang nakatanggap ng tulong at financial support mula kay Senador Alan Peter Cayetano.

Sa pamamagitan ng Presyo-Trabaho-Kita/Kaayusan (PTK) program, layon nito na palakasin ang mga kabilang sa vulnerable sector ng bansa lalo na sa gitna ng iba’t ibang krisis.

Sa kanilang tatlong araw na pagbisita sa Cebu City, nakipagtulungan ang isang team mula sa opisina ni Cayetano sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para maghatid ng tulong sa mahigit 400 Pilipino mula sa buong lalawigan ng Cebu.

Sa munisipalidad ng Medellin noong Hulyo 11, namahagi ang grupo ng tulong sa mahigit 100 miyembro ng BOMEKATODA sa ilalim ng pinagsamang pwersa ng PTK team ni Cayetano at ng Assistance to Individuals in Crisis (AICS) unit ng DSWD.

Ang unang araw ng pamamahagi ay isinagawa sa pakikipagtulungan nina Medellin Mayor Joven Mondigo Jr. at BOMEKATODA president Wendel Sentillas.

Nagpaabot din ng tulong si Cayetano at ang DSWD sa halos 200 market trader ng Cebu City United Vendors Association (CCUVA).

Ang pamamahagi ay dinaluhan ni Cebu City Mayor Mike Rama, Cebu 2nd District Rep. Edu Rama, Barangay Ermita Chairman Mark Miral, at CCUVA president Maria Pino.

Sa huling araw naman ng kanilang pagbisita sa Cebu noong Hulyo 14 ay namahagi din ng puhunan sa mga person with disability sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP).

Ang mga benepisyaryo ay binubuo ng mga Cebuanong may kapansanan, tulad ng amputee, bulag, at pipi.

Kabilang sa kanila ay ang mga atleta ng Philippine Accessible Disability Service (PADS) Dragon Boat Team, gayundin ang mga miyembro ng Cebu Gualandi Association of the Deaf at Naga City Central SPED.

“I really feel the joy and happiness na nakita natin sa mga mata ng mga members natin sa PADS,” pahayag ni John Paul Maunes, founder at executive director ng PADS.

Aniya, ang kapital ay makakatulong sa mga PWD na makabangon mula sa naging epekto ng pandemya sa kanilang kabuhayan pati na sa pinsalang dulot ng bagyong Odette na tumama sa lalawigan noong 2021 na hanggang ngayon ay kanila pa ring iniinda.

“As you can see, marami po silang struggles sa buhay, especially during the pandemic hindi sila maka-access sa financial assistance, plus pa y’ung Bagyong Odette na grabe po ang pinsalang nagawa sa buhay nila,” ani Maunes.

Ang pamamahagi ng tulong sa Cebu City noong Hulyo 13 ay ginawa sa pakikipag-ugnayan kina Cebu City Mayor Mike Rama, Cebu 2nd District Rep. Edu Rama, at Barangay Ermita Chairman Mark Miral.

Samantala, ang isinagawang pamamahagi sa kasunod na araw ay dinaluhan ni Cebu 2nd District Rep. Phillip Zafra at DSWD SLP Regional Program Coordinator Rosana Cortico.

Leave a comment