Disallowance vs P75M ad placement sa Bitag Media hindi pa nababayaran–COA

Ni NEIll ANTONIO

Ibinunyag ng Commission on Audit (COA) na ang P75.8 milyong bayad na ginawa ng People’s Television Network Inc. (PTNI) para sa mga ad placement sa Bitag Media Unlimited Inc. (BMUI) ay nananatiling hindi nababayaran apat na taon matapos ang pag-isyu ng mga notice of disallowance.

Batay sa 2022 audit ng PTNI na inilabas noong Hunyo 13, 2023, hindi pa naaayos ang dalawang notice of disallowances dahil nakabinbin pa rin ang apela na inihain ng mga executives ng PTNI sa ruling ng COA.

Nabatid na ang P75.8 milyon ay binubuo ng mahigit sa kalahati o 51 porsiyento ng kabuuang P128.613 milyon na hindi naisaayos na mga disallowances laban sa state-owned television network batay sa “Summary of Audit Disallowances, Charges, and Suspensions.”

“As of December 31, 2022, the unsettled audit disallowances amounted to P128.613 million, of which P5.059 million were already covered by Notice of Finality of Decision, P123.523 million are on appeal,” sabi ng state auditors.

Ang advertisements ay binayaran ng Department of Tourism (DOT) na pinamumunuan noon ni dating Sec. Wanda Tulfo-Teo na ang kapatid na si Bienvenido “Ben” Tulfo, ang nagmamay-ari ng BMUI.

Ang mga ads ng DOT ay ipinalabas sa programang Kilos Pronto program na hino-host din ni Tulfo at ng isa pang kapatid nito.

Ang kontrobersya sa ads placement ay naging mga laman ng balita noong 2018 matapos kuwestyunin ng COA ang legalidad at validity ng transaksyon sa mga nawawalang dokumento kabilang ang memorandum of agreement, certificate of performance, duly signed budget utilization request.

Base sa audit records, P60.01 milyon ang ibinayad sa BMUI noong 2017 at P15.79 milyon sa sumunod na taon.

Taong 2018, naglabas ang COA ng notices of suspension (NS) upang bigyan ang mga PTNI officials ng pagkakataon na magsumite ng naturang mga dokumento.

Gayunpaman, ang NS ay napunta sa mga notice of disallowance nang hindi pa rin sumunod ang mga TV executives kahit nabigyan sila ng pagkakataon na linawin ang isyu.

At noong 2021, ibinasura ng Office of the Ombudsman ang criminal complaints sa kasong kurapsyon na inihain laban kina Teo, Tulfo, DOT executive assistant Arlene Mancao, PTNI general manager Dino Antonio Apolonio, PTNI Airtime Management Group head Ramon del Rosario, at Presidential Communications Operations Office (PCOO) administrative officer Ma. Alma Francisco.

Binigyan ng bigat ng Ombudsman ang depensa ni Teo na hindi ito pumabor sa media outfit ng kanyang kapatid dahil ang ad placement negotiation ay sa pagitan ng DOT at PTNI.

Sa kabilang banda, ang PTNI ang nagbigay ng tourism ads sa Kilos Pronto.

Bagama’t inamin ni Teo na kapatid nito si Tulfo, iginiit nito na hindi sila malapit sa isa’t isa at bihirang magkausap.

Sa kanya namang depensa, sinabi ni Tulfo na ang kanyang kumpanya ay nakipag-usap ng eksklusibo sa PTNI at walang anumang pakikitungo sa DOT.

Sinuportahan ng mga opisyal ng PTNI at DOT ang mga pahayag nina Teo at Tulfo na nagsasabing walang kinalaman ang Bitag Media sa usapan ng DOT at PTNI.

Leave a comment