
Ni NOEL ABUEL
Kinalampag ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga water concessionaires at mga ahensya ng pamahalaan na ayusin ang obligasyon nito sa publiko na magbigay ng maayos na serbisyo.
“Bilisan natin itong mga pipeline rehabilitation. Katulad sa Maynila, na-privatize na po ito para sana magkaroon ng maayos na serbisyo. Willing naman po ang taumbayan na magbayad nang tama, sapat basta maayos lang po ‘yung serbisyo,” sabi ni Go.
Binigyan-diin nito ang kahalagahan ng pagpapalakas ng pagsusumikap sa pagtitipid ng tubig sa bansa at ayusin ang kakulangan ng tubig at ang potensyal para sa hinaharap na kakulangan sa suplay ng tubig.
“Kailangan rin po natin sa mga ahensya ng gobyerno, sa mga LGUs, lalo na sa mga barangay level, mas paigtingin po natin ‘yung kampanya sa water conservation. Kung hindi naman po kailangan, ‘wag n’yong gamitin ‘yung tubig, i-check n’yo (kung may) mga leakage (para) walang masayang. Gamitin lang natin nang tama para hindi tayo magkaroon ng water shortage,” pahayag pa ni Go.
Magugunitang sinabi ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Carlos David na ang bansa ay kasalukuyang may sapat na suplay ng tubig gayunpaman, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng wastong pamamahala upang maiwasan ang isang potensyal na krisis sa tubig sa katapusan ng taon.
Upang maiwasan ang insidente noong 2019, kung saan maraming kabahayan sa Metro Manila at ilang bahagi ng Rizal ang nakaranas ng matagal na pagkaputol ng tubig, sinabi ni David ang pangangailangan ng epektibong pamamahala sa mga kasalukuyang mapagkukunan ng tubig.
Hinimok ni Go ang gobyerno na itaas ang kamalayan tungkol sa pag-iingat sa tubig at itanim ang responsibilidad sa kapaligiran sa mga Pilipino.
Iminungkahi rin niti ang isang intensified greening program bilang isang pangmatagalang solusyon, na dapat ay isang collaborative na pagsisikap na kinasasangkutan ng pamahalaan at mga lokal na komunidad.
“Ang long term solution naman po nito itong greening program, kailangan na mas maraming punongkahoy na itatanim natin sa ating mga watershed. When I say greening program, hindi lang magtanim ng seedlings, tapos iwanan na. Kailangan po mayro’ng follow-up. Kaya po tayo mayroong DENR din po na pwedeng mamahala dito,” ani Go.
Sinabi pa ng senador na ang pagtitipid sa yamang tubig ay hindi lamang responsibilidad ng gobyerno kundi maging ng bawat indibiduwal.
“Pwede rin po nating i-observe itong (water conservation.) Ipatupad natin itong water conservation at para po maka-save naman tayo ng tubig at para po hindi tayo magkaroon ng water shortage,” aniya pa.
