Willie Revillame at Ako Bicol party list nagbigay ng tulong at saya sa mga biktima ng bulkang Mayon

Sina Willie Revillame kasama sina Albay Rep. Joey Salceda at Ako Bicol party list Elizaldy Co na nagbigay tulong at saya sa mga evacuees ng bulkang Mayon .

Ni NOEL ABUEL

Kapwa nagbigay ng tulong si Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co at si Willie “Kuya Will” Revillame na nagdala ng kasiyahan at inspirasyon sa mga residenteng lumikas dahil sa panganib ng bulkang Mayon.

Kinuha ni Co ang tulong ng television host, dahil naniniwala ito na mahalagang magdala ng ibang uri ng tulong – tuwa at inspirasyon – sa mga evacuees maliban sa food packs, upang matulungan ang kanyang mga kababayan na mapagtibay ang loob sa kabila ng hirap ng pamumuhay sa mga evacuation centers.

Nanguna si Co sa mga relief operation sa lalawigan na ito mula Hulyo 14-15 sa apat na evacuation centers kabilang sa Gabawan Evacuation Center sa Daraga, kung saan tumutuloy ang 600 na residente mula sa Brgy. Matnog; San Andres Evacuation Center sa Sto. Domingo, kung saan nagsisilbing pansamantalang tirahan ng 1,588 residente mula sa Barangays Fidel Surtida, Sta. Misericordia, at San Fernando; San Antonio Elementary School Multi-Purpose Building sa Tabaco, na nagbibigay-tahanan sa 500 lumikas; at Bariw Covered Court sa Brgy. Bariw, Camalig, kung saan pansamantalang nanunuluyan ang 545 taong lumiklas dahil sa aktibidad ng Mayon.

“Hindi lang hangarin ng relief operation na ito na magbigay ng pagkain, kundi pati na rin palakasin ang loob ng mga naapektuhan ng pag-aalburoto ng bulkang Mayon,” sabi ni Co, chairman ng House Committee on Appropriations.

“Sa mga panahon ng krisis, mahalagang tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga evacuees, ngunit hindi rin mawawala ang kahalagahan ng mga sandaling pahinga at inspirasyon sa kanila,” dagdag pa nito.

Kinilala ni Co ang kapangyarihan ng pagpapatawa sa mga panahon ng kagipitan, kaya lumapit ito kay Revillame upang ibahagi ang kanyang nakakahawa at nakaaaliw na enerhiya sa mga evacuees.

Malugod na tinanggap ni Revillame ang imbitasyon, na nagpapahiwatig ng kanyang pagbabalik sa entablado.

Naging memorable ang karanasan ng mga evacuees sa naganap na relief operation nitong weekend dahil sa kasiyahan at karisma ni Revillame, na nagdulot ng kaligayahan at pag-asa.

“Lubos kong ina-appreciate ang paglaan ni Kuya Wil ng kanyang oras at enerhiya upang palakasin ang loob ng mga evacuees. Nagdulot ng malaking kasiyahan at inspirasyon ang kanyang presensya sa lahat,” sabi ni Co, na nagpapakita ng kahalagahan ng kolektibong pagsisikap upang tulungan ang mga komunidad at palakasin ang kanilang loob.

“Heartwarming na makita kung paano ang nakakapaglikha ng positibong epekto sa buhay ng mga taong humaharap sa mga pagsubok ang entertainment,” dagdag pa ng mambabatas.

Leave a comment