BI kinalampag sa pagpasok ng mga dayuhang pugante sa POGO

Ni NOEL ABUEL

Kinalampag ni Senador Win Gatchalian ang Bureau of Immigration (BI) dahil sa kabiguan nitong pigilan ang pagpasok ng mga dayuhang pugante sa bansa, na kalaunan ay nasasangkot sa iba’t ibang kriminal na aktibidad tulad ng human trafficking at iba’t ibang uri ng online scam sa pamamagitan ng paggamit ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Ayon sa senador, noong Hunyo ay nagsagawa ng raid ang mga operatiba ng Anti-Cybercrime Grouo-Philippine National Police sa Xinchuang Network Technology sa Las Piñas, na nagresulta sa paghuli ng pitong dayuhang pugante.

At noong Mayo ay natukoy rin ang pitong dayuhang pugante noong ni-raid ang CGC Technologies na nasa Sunvalley Corporation sa Pampanga.

Ang Xinchuang at CGC ay pawang mga POGO-accredited service provider.

“Paano nakakalusot ang mga puganteng ito papasok ng bansa na kinukuha pa ng mga lisensyadong kumpanya ng POGO?” tanong ni Gatchalian.

Batay sa mga ulat ng pulisya, ang mga dayuhang pugante, kabilang ang mga indibidwal mula sa China at Taiwan, ay pinaghahanap dahil sa krimeng may kinalaman sa pandaraya, pagnanakaw, iligal na droga, human trafficking, at iba’t ibang uri ng online scam, bukod sa iba pa.

“Kino-korap ng mga POGOss ang sistema kaya maraming palusot ang nangyayari. Sa kabiguan ng ahensiya na mapigilan ang mga puganteng ito na pumasok ng bansa, ang mismong ahensya ay nababahiran ng mga kalokohang nangyayari sa mga POGO at kailangang maimbestigahan ang mga sangkot dito,” sabi ni Gatchalian.

Binigyan-diin nito na kung dumadaan sa masusing pagsisiyasat ang mga Pilipinong pasahero na palabas ng bansa, na dumating pa sa puntong hinahanapan ang mga ito ng kung anu-anong dokumento tulad ng birth certificates at transcript of school records, dapat istrikto rin aniya ang ahensiya sa mga kahina-hinalang dayuhang pumapasok ng bansa.

Muling nanawagan ang chairman ng Senate Committee on Ways and Means na patalsikin na ang mga POGO sa bansa at nagpaalalang ang presensya nito ay ‘di hamak na nagpapalala sa kaayusan at seguridad ng bansa.

Leave a comment