
NI MJ SULLIVAN
Makakaasa pa rin ng patuloy na pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa kabilang ang Metro Manila at ilang karatig lalawigan dahil sa epekto ng habagat.
Ayon sa pinakahuling weather advisory ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), partikular na makakaranas ng pag-ulan ang lalawigan ng Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro dahil sa epekto ng southwest monsoon o hanging habagat.
Magdudulot ito ng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa malawakang pag-ulan sa mga nasabing lalawigan.
Samantala, ang Metro Manila, Calabarzon, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, nalalabing bahagi ng Central Luzon at Western Visayas na makakaranas ng kalat-kalat na pag-ulan kasama ang pagkulog-pagkidlat dahil din sa epekto ng habagat.
Habang ang nalalabing bahagi ng bansa ay asahan ding magkakaroon ng maulap hanggang kalat-kalat na pag-ulan dahil sa epekto ng habagat at localized thunderstorms.
Ayon pa sa PAGASA, ang tropical storm Talim o dating bagyong Dodong ay nasa layong 825 km kanluran ng dulong bahagi ng Northern Luzon taglay ang lakas na hangin na 110 km/h malapit sa gitna at pagsungit na hangin na nasa 135 km/h.
Kumikilos ang TS Talim pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 15 km/h.
