
NI NERIO AGUAS
Muling naglabas ng abiso ang Bureau of Immigration (BI) sa mga Filipino na huwag hayaang mabiktima ng mga illegal recruiters na nagre-recruit sa pamamagitan ng social media.
Ito ang babala ng BI kasunod ng ilang Pinay ang naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 na natuklasang pawang mga biktima ng human trafficking.
Ibinunyag ng BI na target ngayon ng mga illegal recruiters ang mga dating overseas Filipino workers (OFWs) na nais muling magtrabaho sa ibang bansa.
Base sa ulat, unang nasagip ang 37-anyos na Pinay noong nakaraang Hulyo 13 sa NAIA Terminal 1 bago pa makasakay ng Philippine Airlines flight patungong Doha, Qatar.
Sinasabing nang dumaan sa immigration counters ang biktima ay nagduda sa ipinakita nitong dokumento kung kaya’t agad na humingi ng tulong sa Department of Migrant Workers (DMW) na nakatuklas na pawang peke ang dalang papeles ng biktima.
Sa patuloy na imbestigasyon, natuklasan din na biktima ng illegal recruiter ang biktima at magtatrabaho bilang household service worker sa Dubai.
“The modus operandi of these unscrupulous individuals involves using the records of legitimate contracts to facilitate their departure under false pretenses, while actually redirecting them to work illegally in a different country,” ayon sa BI.
Inamin ng biktima na wala itong kumpirmadong employer sa Dubai at ang dokumento nito ay ipoproseso pagdating nito sa Dubai.
Samantala, isa pang kaso ng illegal recruitment ang nangyari sa isang babaeng OFW nang maharang noong Hulyo 12 sa NAIA Terminal 1 na nagsabing returning worker ito sa Riyadh.
Ngunit sa imbestigasyon, natuklasan peke ang papeles ng biktima at inamin na na-recruit ito sa pamamagitan ng Tiktok.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang kaso ng mga nasabing Pinay at tutulong para sampahan ng kaso ang kanilang mga recruiters.
