
Ni NOEL ABUEL
Nanindigan si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na hindi pa rin nito bibitawan ang isinusulong nitong legislated nationwide across-the-board wage hike sa kabila ng pagpapatupad sa inaprubahang P40 minimum wage hike sa National Capital Region (NCR) ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Nauna rito ay makailang ulit nang nagsumite ng panukalang batas si Revilla hinggil sa legislated wage increase simula pa noong kaniyang first term sa Senado at hindi aniya ito tatantanan hanggang sa kasalukuyan.
Isinumite ni Revilla ang SBN2179 para sa 14th Congress: SBN1981 naman noong 15th Congress; SBN937 noong 16th Congress; SBN71 noong 18th Congress; SBN2018 nitong 19th Congress at siya lamang ang nag-iisang author sa 16th at 18th Congress.
Ngayong 19th Congress ay nagsumite si Revilla ng panukala kasama si Senate President Juan Miguel “Migz” F. Zubiri na nagsumite rin ng kaniyang sariling bersiyon hinggil sa naturang panukala.
“Naniniwala ako na isa sa mga araw na darating ay makukuha natin ang tagumpay hinggil sa karagdagang sahod na dekada na nating ipinaglalaban, kaya nagpapasalamat ako kay SP Zubiri at mga kasamahan natin sa Senado dahil unti-unti ay lumiliwanag na ang lahat” saad ni Revilla.
Idinagdag pa ni Revilla na ang mga maggagawa ay ang backbone ng ekonomiya ng bansa, na kung hindi umano sa kanilang kasipagan ay hindi uunlad ang mga negosyo tungo sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
“Napakalaki ng utang na loob natin sa mga manggagawa, at kahit ngayong ipinatupad na ang P40 wage hike sa NCR ay naniniwala akong kulang na kulang ito para sa pang-araw-araw na gastusin kaya tuloy pa rin ang pagsulong natin sa P150 na dagdag sahod pa,” sabi pa ni Revilla.
Ayon pa sa senador, buo ang kaniyang pag-asa na makakamit nito ang matagal nang inaasam-asam ng mga manggagawa para kahit paano maibsan ang hirap na dinaranas ng mga manggagawa ng bansa.
“Everyone is feeling the brunt of these hard times. Lalo na ang ating mga manggagawa na silang nagtataguyod ng ating ekonomiya. Maging nayon man o siyudad, mga nagtatrabaho sa bukid, sa pabrika, at kahit ang mga nag-oopisina, sila ang mga nagpapakapagod magtrabaho na hindi lang nakakatulong sa kani-kanilang pamilya kundi sa atin ding bansa. Kaya panahon na para ipasa ang isang makatarungang across-the-board wage increase para sa kanilang lahat,” paliwanag pa ni Revilla.
