Maharlika Investment Fund dapat ibida ni PBBM sa SONA — Zubiri

Ni NOEL ABUEL

Inirekomenda ni Senate President Juan Miguel Zubiri kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kanyang nakatakdang ikalawang state-of-the-nation-address (SONA) sa susunod na linggo na isama nitong iulat sa taumbayan ang priority programs ng Maharlika Investment Fund (MIF) Law.

Ayon kay Zubiri, personal nitong binanggit kay Marcos na ipagmalaki sa kanyang SONA ang idudulot na kabutihan ng MIF Law para makatulong sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.

“Sabi ko Mr. President maganda siguro banggitin ninyo sa SONA ‘yung mga priority programs na paglalagyan ng pondo ng MIF. Priority projects like for example kung may magagandang mga flagship projects pwede na niyang banggitin para makita ng tao na maganda pala ang itong bill na ito,” sabi ni Zubiri.

Aniya, tinitiyak nitong maganda ang maidudulot ng nasabing batas para sa pag-unlad ng bansa tulad ng pagbibigay ng trabaho, pagbuti ng lokal na turismo dahi sa mga infrastructure projects na itatayong proyekto na popondohan ng MIF.

“Makakatulong talaga sa pag-unlad ng ating bansa na hindi po natin kailangan na manghiram pa. Kase kung kailangan natin ng malaking infrastructure obviously we have to fund it through either borrowings or income from taxes which could be utilized for the ongoing programs of the government so, maganda po ito,” paliwanag pa ng Senate President.

Suhestiyon pa nito na dapat pagtuunan ng Maharlika Fund ang pagtatayo ng Cavite-Bataan bridge na malaking tulong para mabawasan ang mahabang oras na biyahe ng mga produkto.

“My humble suggestion, iyong ating Cavite-Bataan bridge, ‘yong toll bridge, maganda po ‘yan dahil alam mo, maka-cut off ‘yong travel time from three or four hours na dadaan ka pa ng NLEX, all the way to Bulacan, going to Bataan—marami tayong export processing zone sa Subic, you will cut it down to only 45 minutes kung dadaan ka ng Cavitex. So napakaganda, napakaraming mga, of course, industriya na talagang aasenso, mas madali nang magdeliver ng goods from the export processing zones there to the ports of Manila,” pahayag pa nito.

“Magkakaroon ng traffic decongestion sa NLEX dahil doon na po sila dadaan, hindi na po dadaan ang mga 40-foot containers sa NLEX, doon na po sila sa bagong tulay sa toll road na ‘yan. So I think that is a big game changer, that’s one example that I can think of, and many others to come. But we’ll let the President announce,” dagdag ni Zubiri.

Leave a comment