
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pagkondena at pakikiramay ang ilang kongresista mula sa Bicol region sa kaanak at pamilya ng mga nasawing pulis makaraang tambangan at pagbabarilin ng hindi nakilalang motorcycle riders.
Ipinarating nina Albay Rep. Joey Salceda at Ako Bicol party list Rep. Elizaldy Co ang kanilang pagkadismaya sa pagpaslang sa mga tagapagpatupad ng batas habang ipinaabot naman ng mga ito ang kanilang pakikiramay sa pamilya ng pinaslang na pulis sa lalawigan na ito.
Kasama si Co, Salceda, at TV host na si Willie “Kuya Will” Revillame, nagtungo ang mga ito sa lamay ni Chief Master Sergeant Joseph Ostonal na namatay habang ginagampanan ang kanyang trabaho.
“Nagpapaabot kami ng aming pakikiramay sa pamilya ni PCMS Joseph Ostonal. Ipinagkaloob niya ang pinakamataas na sakripisyo sa pagganap ng tungkulin, at kami ay kasama ng kanyang pamilya sa kanilang pagdadalamhati at kalungkutan. Nais naming tiyakin sa kanila na hindi sila nag-iisa, at nandito kami upang magbigay ng suporta at tulong,” sabi ni Co.
“Isinugal ni PCMS Ostonal ang kanyang buhay upang panatilihing payapa at maayos ang ating komunidad. Ang kanyang tapang at dedikasyon sa paglilingkod sa publiko ay hindi malilimutan. Tungkulin nating tiyakin na aalagaan ang naiwan niyang pamilya, at kami ay nakahandang magbigay ng kinakailangang suporta para sa kanila,” dagdag nito.
Sa kanilang pagdalaw, nagpahayag sina Co, Salceda, at Revillame ng kanilang pakikiramay at suporta sa pamilya ng namatayan.
“Nagpapasalamat ako sa suporta at pagsama nina Cong. Joey Salceda at Mr. Willie Revillame. Kasama natin sila sa layuning magbigay ng agarang tulong sa mga naulila at tulungang maibsan ang kanilang mga pinansyal na pasanin. Mahalaga na samahan natin sila sa panahong ito ng pagsubok,” sabi ni Co.
Sina Ostronal at ang kapwa niyang pulis na si Corporal Jeffrey Refereza ay pinagbabaril noong nakaraang linggo sa bayan ng Oas habang nagsasagawa ng mobile patrol sa Barangay Ilaor Sur.
Tinambangan sila ng dalawang salarin na sakay ng motorsiklo. Nangyari ang pag-aresto sa mga suspek sa checkpoint sa Barangay Basud, bayan ng Polangui.
Hinimok ni Co ang isang malawakang imbestigasyon sa pangyayari.
“Kailangan nating wakasan ang walang-katapusang karahasan laban sa ating mga tagapagpatupad ng batas. Magkaisa tayo sa pagkondena sa mga aksyong ito at palakasin ang mga hakbang sa seguridad upang masiguro ang kanilang kaligtasan. Nanawagan kami para sa isang malalim na imbestigasyon at mabilis na legal na proceedings,” aniya pa.
