
Ni NEILL ANTONIO
Halos pito sa bawat sampu o 66.32 porsiyento ng mga driving school na inaprubahan ng Land Transportation Office (LTO) ay nabigong sumunod sa mga itinatakdang minimum documentary requirements o kulang sa mga pasilidad at kagamitan.
Ito ang natuklasan sa 2022 Compliance Audit on LTO na nakapaloob sa audit report na inilabas ng Commission on Audit (COA) sa Department of Transportation (DOTr).
“One hundred eighty-nine (189) or 66.32 percent of 285 driving school applicants were issued with provisional permits/certificates of accreditation despite submission of incomplete/invalid documentary requirements and/or deficiencies in the required facilities and equipment,” ayon sa government auditors.
Kabilang sa tinukoy ng COA na may pagkukulang ang DOTr-Cordillera Administrative Region, LTO-National Capital Region, at LTO Regional Offices 3 (Central Luzon), 5 (Bicol), 9 (Zamboanga Peninsula), at 12 (Soccsksargen).
“The audit team concluded that, because of the significance of the matter noted in audit, the accreditation of driving school applicants was not in compliance with Sections 9, 10, and 14 of LTO Memorandum Circular No. 2021-2284,” sabi pa ng COA.
Nakapaloob sa Sections 9 at 10 na nagsasaad ng mga kinakailangang dokumento para sa akreditasyon at ang listahan ng mga pasilidad at kagamitan na dapat ilagay ng isang driving school bago payagang magbigay ng mga theoretical at practical driving courses.
Habang sa Section 11 at 14, ay sakop na kinakailangan sa operasyon ang pagkakaroon ng heavy vehicles.
Sinabi ng audit team na saklaw ng compliance audit ang mga aplikasyon mula sa mga driving schools na natanggap sa pagitan ng Enero hanggang Hunyo 2022.
Ang mga regional accreditation committee (RACs) ng LTO ay tumanggap at nagsuri ng mga dokumentong isinumite at nagsagawa ng onsite inspection upang matukoy ang pagkakaroon at mga detalye ng mga pasilidad at kagamitan.
Gayunpaman, ang assistant secretary at ang regional director ang nag-apruba ng mga akreditasyon at provisional permits para sa mga driving schools.
Sa ginawang beripikasyon ng audit team, natuklasan ng mga ito ang anomalya at iregularidad sa assessments na ginawa ng LTO RACs.
“The actual condition of these sites is not only inconsistent with the MC (memo circular) but also with the representations made by the RACs in their inspection reports. This means that the inspection reports of the RACs cannot be relied upon,” giit ng state auditors.
Inirekomenda nito na ang LTO ay magsumite ng mga authenticated na kopya ng mga kinakailangang dokumento kabilang ang mga bank certificates upang maitaguyod ang financial capability.
Binigyan-diin ng audit team na dapat tiyakin ng LTO na ang mga maneuvering tracks, silid-aralan, silid-aklatan, at mga sasakyang de-motor na ginagamit para sa mga driving lessons ay sumusunod sa minimum standards.
Kasabay nito, hinimok ng COA ang regulatory agency na parusahan ang mga driving schools na nagsumite ng mga di-wastong dokumento para makakuha ng akreditasyon.
Tinanggap naman ng LTO regional offices ang obserbasyon sa audit observations at ipinaalam sa COA na may mga ginawang aksyon upang matugunan ang nasabing usapin.
