
Ni JOY MADELAINE
Pinasinayaan ng lokal na pamahalaan ng Caloocan ang bagong health center at multipurpose hall sa Bagong Silang ng nasabing lungsod.
Personal na sinaksihan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang groundbreaking ceremonies sa naturang pasilidad sa Phase 1 Pkg. 2 at Phase 7, Bgy. 176 kasama si Caloocan City Rep. Oscar Malapitan at mga lokal na opisyales.
Sa kanyang pahayag, pinagtibay ni Mayor Malapitan ang kahalagahan ng pangangailangan ng mga pasilidad at binigyan diin na bukod sa de-kalidad na imprastraktura, ang mga serbisyong inaalok ay dapat ding mahalaga.
“Titiyakin natin na ang mga bagong pasilidad na ito ay magiging maayos at mapapakinabangan. Bukod sa imprastraktura, kailangang world-class din ang mga serbisyo,” sabi nito.
“Sa laki ng populasyon ng Brgy. 176, hindi na uubra ang sama-sama kayo sa iilang mga pasilidad lamang. Kung kinakailangan, lahat ng phase ay dapat may center at tanggapan,” dagdag pa ng alkalde.
Nangako rin ang local chief executive na patuloy na ibibigay ng pamahalaang lungsod ang pinakamagandang uri ng imprastraktura at serbisyo para sa kapakanan ng mga residente ng Caloocan.
“Sinisiguro po natin na kapag may ipinapagawa tayong bago, dapat lagi ‘yung pinakamaganda. Hindi na po pwede ang basta compliance lang,” pahayag pa ni Malapitan.
