
Ni NOEL ABUEL
Ipinangako ni Senador Christopher “Bong” na ipagpapatuloy nito ang pagsusulong ng panukalang batas na naglalayong magbigay ng proteksyon para sa mga manggagawa sa iba’t ibang mga industriya sa bansa.
Ayon sa senador, ang limang priority bills na inihain nito ay para sa pakinabangan ng mga ordinaryong manggagawa at patibayin ang kanilang mga karapatan.
Isa sa panukala na inihain ni Go ang Senate Bill No. 1183, o mas kilalang Media and Entertainment Workers’ Welfare Act, na naglalayong pangalagaan ang mga karapatan at pagbutihin ang mga kondisyon sa pagtatrabaho ng mga indibidwal na nagtatrabaho sa sektor ng media at entertainment.
Ang panukala ay naglalayong masawata ang umiiral na hindi pantay na proteksyon sa paggawa at itaguyod ang makatarungang kabayaran, tinitiyak na ang mga manggagawa ay binibigyan ng makatarungan at nagbigay ng angkop na mga benepisyo.
Sinasabi rin ni Go na dapat magkaroon ng isang pormal na kasunduan sa pagitan ng media entity at mga empleyado nito upang matiyak ang pinakamataas na proteksyon laban sa di-makatarungang kabayaran at pangalagaan ang kanilang mga karapatan at kagalingan.
Aniya, ang pangangailangan ng kontraktwal na ito ay naglalayong maiwasan ang kapabayaan at tiyakin na ang mga empleyado ay tumatanggap ng tamang proteksyon.
“Media and entertainment workers’ dedication for public service is truly undeniable. In recognition for their invaluable contribution in the society and the hazardous circumstances they are exposed to during crises, it is right and proper to commensurate their hard work with just emoluments and added labor protection under the law,” pahayag pa ni Go.
Inihain din ng senador ang SBN 1184 o ang “Food, Grocery, and Pharmacy Delivery Services Protection Act”.
Ang iminungkahing batas ay nagbabawal sa mga food, grocery, at pharmacy delivery service providers na obligahin ang mga delivery driver na gumastos ng kanilang sariling pera upang mabayaran ang mga gastos na nauugnay sa paghahatid ng mga order.
Kahit sa mga kaso kung saan nakansela ang mga order, obligado ang mga service providers na bayaran ang mga delivery riders para sa kanilang mga serbisyo na parang naging matagumpay ang transaksyon.
“Tinuturing nating mga frontliners ang ating mga delivery riders dahil sinisugurado nila na maihatid sa inyo ang inyong kinakailangan habang sinasakripisyo nila ang kanilang kalusugan. Kaya naman marapat lang sa gobyerno ang mabigyan sila ng kinakailangan nilang proteksyon,” ani Go.
“Napakalaki po ng kontribusyon nila sa ating ekonomiya. Bukod sa mabilis na paraang makabili ng pagkain, nagbibigay rin ang industriyang ito ng maayos na kabuhayan sa ating mga kababayan sa ligtas at marangal na paraan,” dagdag pa nito.
Ipinanukala rin ni Go ang SBN 1705, na nagmumungkahi na taasan ang service incentive leave (SIL) ng mga empleyado ng pribadong sektor; at SBN 1707 na naglalayong magbigay ng competitive remuneration at mga pakete ng kompensasyon sa mga social workers sa bansa.
