
NI MJ SULLIVAN
Asahan nang mas lalong iigting ang pagkakaroon ng malakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa kasunod ng low pressure area (LPA) na nakakaapekto sa intertropical convergence zone (ITCZ).
Sa weather advisory no. 3 ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ganap na alas-10:00 ngayong umaga nang makita ang LPA na pumaloob sa ITCZ na nakitang nasa 705 km silangan ng Hinatuan, Surigao Del Sur.
Ayon pa sa PAGASA, sa loob ng 24-oras o 48-oras ay maaaring mabuo at maging tropical depression ang nasabing LPA.
Bunsod nito, asahan na magiging maulan sa Albay, Sorsogon, Masbate, Eastern Visayas at Dinagat Islands kung saan inaasahan ang pagkakaroon ng pagbaha o pagguho ng lupa.
Ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa ay magiging maulap ang papawirin na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan o pagkulog-pagkidlat dahil sa epekto ng ITCZ at localized thunderstorms.
Asahan din ang pagkakaroon ng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa severe thunderstorms.
