Pondo ng MIF pwedeng gamiting investment sa NGCP – Zubiri

Ni NOEL ABUEL

Maaaring gamitin ang pondo ng Maharlika Investment Fund (MIF) sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na siguradong kikita ng malaki sa transmission fees na binabayaran ng taumbayan.

Ito ang sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa Kapihan sa Senado, kung saan inihalimbawa nito na puwedeng paglaanan ng investment ng MIF ang NGCP na malaki ang kinikita gayundin sa agricultural industrialization, o gusali ng feed mills, pagtatayo ng rice mills sa mga walang rice mill na lugar.

“Another thing that I can see, for example, if they invest in the NGCP. NGCP, right now, is earning so much money kasi transmission line ‘yan, nakakabit na lahat ‘yan eh, so automatic magkakaroon din ng income ang Maharlika Investment Fund d’yan sa pagsingil ng kuryente ‘di ba, dahil mayroon talagang transmission fees na sinisingil po sa ating mga binabayad sa kuryente,” sabi ni Zubiri.
Sinabi rin nito na hindi dapat na mag-invest ang mga uupong economic team sa mga kumpanyang hindi naman kumikita tulad na lamang sa stock markets.

“So, these are some of the examples, and I’m sure the economic team that will head the Maharlika Investment Fund will make sure that it is effectively and efficiently utilized, ang pondo na ito, at kikita po ang gobyerno dito,” aniya pa.

Isa pa sa tinukoy ni Zubiri na dapat paglaanan ng investment ang infrastructure projects tulad ng pagtatayo ng Cavite-Bataan bridge na magkokonekta sa Metro Manila at magagamit ng mga naglalakihang trucks na may dalang mga produkto at hindi na dadaan pa sa North Luzon Expressways (NLEX).

“One of the discussions was actually on the issue of building the Cavite to Bataan bridge. It could be a tolling bridge, malaking bridge ‘yan, it is a huge bridge that would connect Metro Manila through Cavite to Bataan. I think that will cut the travel time. Maraming pumapasok sa Manila Port Harbour, sa ICTSI, dinadala itong mga 40ft, 20ft containers pa sa Central Luzon and also Bataan,” sabi nito.

Malaki rin aniyang maitutulong nito para mabawasan ang mahabang biyahe ng mga produkto.

“What would be a three to four-hour drive to Bataan will now only take 45 minutes passing through CAVITEX and the new Cavite-Bataan interlink bridge. Napakaganda nu’n. Made-decongest din po ang NLEX, sa inyo dito, sa ating mga kapatid dito na umuuwi ng North, wala na po kayo masyado makikitang mga malalaking container vans and of course, mga trucks pwede nang dumaan dito sa interlink bridge na ito,” paliwanag pa nito.

Samantala, tiniyak ni Zubiri na dadaan sa butas ng karayon ang mga uupong board at chairman ng MIF na maihahalintulad sa pagpili ng Supreme Court justice.

“May inilagay po tayo sa panukala o dito sa ating batas, meron tayong inilagay na ilang pahina na qualifications na uupo sa MIC. Magkakaroon ng shortlist ang Pangulo, parang JBC ito. They’ll choose the best of the best. Dadaan sa butas ng karayom ang uupo ng manager ng investment fund. Dadaan po sila sa proseso,” sabi nito.

Leave a comment